Home OPINION PAKIUSAP NI PBBM

PAKIUSAP NI PBBM

 

KAMAKAILAN, pinakiusapan ni Pangulong Bong Bong Marcos ang militar na hikayatin ang mga kalaban ng pamahalaan at mga armadong rebelde na ibaba na lamang ang kanilang mga armas at magbalik-loob na lang sa pamahalaan.

Pangunahing dahilan ni Pangulong Marcos ay dahil pare-pareho naman tayong mga Filipino. Hindi tayo kinakailangan mag-away-away at magpatayan dahil isang dugo ang nananalaytay sa ating mga ugat, dugong Filipino.

Tinuran niya ang pakiusap nang dumalaw siya sa 401st Infantry Division ng Philippine Army sa Agusan del Sur. Maging ‘peacemakers’ at ‘di lamang mandirigma, ang pakiusap niya sa mga sundalo.

“We must remember kahit papaano, ang kaharap natin, Pilipino din ‘yan. Kaya’t mas maganda sana, imbes na maglaban tayo ay pababain na natin sila at tulungan silang magkaroon ng maganda namang buhay upang hindi na sila lumaban sa gobyerno, hindi na sila lumaban sa Pilipinas.”

‘Yan ang sabi ni PBBM. ‘Yan ang bagong papel ng ating mga opisyal at sundalo upang mabago ang aspeto o sukatan ng hinaharap nating mga adhikain. Tama naman siya, matagal na nating idinaraan sa pakikipagbakbakan ang lahat sa mga nanggugulo sa bansa.

Mga kapwa natin Filipinong may idinadaing, kaya humawak ng armas. Kung atin nga namang hihikayatin na lamang sila na sumuko, upang ‘di na dumanak ang dugo, eh bakit hindi?

Maging sa mga may political na ambisyon, nakikiusap na rin ang Pangulo. ‘Di raw masama ito, kung ang hangarin ay makatulong sa kanilang kapwa Filipino, at ‘di payabungin lamang ang personal nilang agenda o’ interes ng partido.

Sa kanya ngang Vlog No. 255 na napanood ko sa kanyang official YouTube Channel, idiniin ni PBBM ang kahalagahaan ng serbisyo publiko at tamang kaisipan sa larangan ng politika.

Ang ‘politics’ aniya, dapat ay nakatuon sa paglilingkod sa tao. At kung nais ng isang pulitiko na maglingkod sa kanyang kapwa tao, dapat ay nasa tamang landasin ito.

Para kay PBBM,  ang politika ay mahalaga sa kalagayan ng lahat. Ito ang gumagabay dapat sa ideyolohiya na pinanghahawakan ng pulitiko para ‘di siya maligaw o magapi ng personal niyang interes. Prinsipyong ‘di makukumpromiso ang pagtulong sa taumbayan. Maging handa at instrumento ng pag-tulong, ‘di para sa sarili, o sa partido, at kahit na para sa pamilya,  kundi para sa tao.

Sana, mapasundalo o mapapulitiko, tumugon sa pakiusap na ito ni Pangulong Bongbong. Palagay ko, kung susunod tayong lahat  sa pakiusap na ito, na walang tinutumbok, kundi maging handa sa pagtulong sa kapwa Filipino, gaganda ang takbo ng lahat lalo na ekonomiya ng bansa.

Previous articleLORENZANA TO RECEIVE PRESTIGIOUS MEDAL FROM U.S.
Next articlePROTESTANG DOKTOR