
MATINDI talaga ang mga protesta ng mga doktor sa South Korea.
Pero mas matindi ang reaksyon ng gobyerno laban sa kanila.
AKSYON NG GOBYERNO
Nais ng South Korea government na magparami ng doktor – 5,000 kada taon simula sa 2025.
Ito’y para matugunan ang labis na kakulangan ng mga doktor sa mga liblib na lugar, pangangailangan ng dumaraming mga senior citizen at inaasahang pagdami ng mga babay sa kampanya nitong magparami ng Koreano.
Pero sa ngayon, talagang ramdam na ramdam umano ang kakulangan ng mga doktor at ang plano ng gobyerno na pagpaparami ay hindi lang para sa mga susunod na panahon kundi para na rin sa mga panahong ito.
Kaya naman, bukod sa mga doktor, pinagtatrabaho rin nila nang husto ang mga trainee doktor sa mga ospital, kasama ang mga nars, midwife at iba pa.
KILOS DOKTOR
Dahil sa repormang inilulunsad ng goberno, hayan, unang nag-aklasan ang mga trainee doktor simula noong Pebrero 21, 2024.
Reklamo ng 8,000 trainee doktor o 80 porsyento ng mga ito, 80 oras na ang trabaho nila at sila’y labis nang nabibigatan.
Napakababa rin umano ang pasahod sa kanila kaya 1,000 na sa kanila ang nagsipag-resign habang ang ilan sa mga ito ay nagpasa ng resignasyon.
Nitong Linggo, mismong mga doktor na ang umalis sa mga ospital para mag-rally habang ang iba, hindi na rin pumapasok.
Ang gusto umano nila, dapat magdagdag pa ang gobyerno ng sahod at benepisyo nila dahil kulang ang mga ito.
Pero pareho ang mga trainee doktor at doktor na nagsasabing kung darami ang mga doktor, lalong bababa ang kanilang mga kita at benepisyo kaya dapat lang umano nilang tutulan ang reporma sa sistemang pangkalusugan ng gobyerno.
NO WAY
Parehong nagmamatigasan ang mga protestor at gobyerno at sa gitna naman nito, umiiyak na ang mga nars sa pag-asikaso sa mga pasyente lalo’t ihi na lang ang pahinga ng mga ito.
Sa parte ng gobyerno, sobrang benepisyo na umano ang ibinibigay sa mga doktor at gusto lang umanong mapanatili ng mga doktor ang dignidad nila kahit kalabisan na ito sa pangangailangan sa serbisyo publiko.
Dahil kailangan talaga ang mga operasyon at iba pang seryoso at nakamamatay na kondisyong medikal ang mga pasyente, pinapapasok na ng gobyerno ang mga military doctor roon.
Nag-utos na ang gobyerno ng “back to work order” kung hindi mahaharap ang mga nagpoprotesta ng mga kaparusahan gaya ng suspensyon ng lisensya at mga kasong kriminal.
Nanatiling matigas ang mga doktor at sinasabi nilang hindi sila mga kriminal para kasuhan ng mga kriminal na kaso at suspindihan ng mga lisensya.
Paisa-isa lang ang bumabalik sa mga ospital para mag-duty.
MASWERTENG PINAS?
Maswerte-swerte tayo sa Pinas at walang ganito.
Bakit kaya?
Hmmm…madiskarte ang maraming Pinoy doktor.
Nagtatayo sila ng sariling klinik o join sila sa private hospital at karaniwang ginagawang konsultasyon lang ang trabaho nila sa mga public hospital.
Makaraan ang konsultasyon, pinapapunta nila ang mga pasyente sa kanilang klinika o ospital at doon na sila bumabawi sa mababang sahod at konting benepisyo.
Walang magawa ang mga pasyenteng Pinoy kundi sumimangot at isumpa ang mga doktor sa harap ng mga altar!!!