Home NATIONWIDE Palasyo kay Roque: Umuwi ka na sa Pinas

Palasyo kay Roque: Umuwi ka na sa Pinas

MANILA, Philippines- Muling hinimok ng Malacanang nitong Biyernes ang abogadong si Harry Roque na bumalik na sa Pilipinas at sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya,  lalo na at hindi na siya parte ng legal team ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Siguro po, mas maganda po talaga since hindi naman po siya parte ng legal team ni dating Pangulong Duterte, hindi po ba iyan ang kaniyang dahilan kung bakit hindi siya uuwi. Mas maganda pong umuwi muna siya dito at patunayan niya po talaga na siya po ay walang kasalanan,” pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro.

“Sabi nga po natin, siya mismo po ang nag-amin, siya po mismo – galing sa kaniyang bibig ang mga kuwento, ang mga dokumentong kaniyang sinabi sa Quad Comm hearing. Hindi po ba mas maganda na siya na rin po ang mag-present nito para mapatunayan niyang siya ay malinis.”

Nahaharap si Roque, nagsilbing Palace spokesperson ni Duterte, sa arrest warrant mula sa House Quad Committee kaugnay ng imbestigasyon sa illegal operations ng POGOs. Kalaunan ay inanunsyo niyang hihirit siya ng asylum sa the Netherlands.

Itinanggi ng Malacanang ang mga alegasyong si Roque ay “politically persecuted” sa Pilipinas. RNT/SA