Home METRO 2 sa 6 nawawalang dayuhang hikers natagpuan

2 sa 6 nawawalang dayuhang hikers natagpuan

NEGROS ORIENTAL- Natagpuan ang dalawa sa anim na dayuhang hikers na nawawala noong Miyerkules sa Twin Lakes Sibulan, Negros Oriental.

Kinumpirma ni Malabo Barangay Captain Christian Sela ng Valencia, Negros Oriental, na natagpuan ng kanilang grupo ang dalawa sa anim na hikers sa bulubunduking bahagi ng Balinsasayao Twin Lakes matapos maghiwalay ng ibang daan ang nasabing grupo.

Batay sa report ng Valencia PNP, nawala noong Marso 19, alas-8 ng umaga sa Sitio Lunas, Barangay Malabo, Valencia, Negros Oriental ang hikers na sina Torsten Martin Groschupp, 58, German; Terry, 50, Canadian; Alexander, Radvanyi, 63, British; Aldwin Fink, 60, German; Anton Chernov, 38, Russian; at Wolfgang, 67, German.

Ayon kay Lieutenant Stephen Polinar, tagapagsalita ng Negros Oriental Provincial Police Office (NORPPO), patuloy ang kanilang search and rescue operations para makita ang apat pang dayuhan na posibleng naliligaw ng daan ang mga ito palabas ng bundok.

Agad namang ipinagbigay-alam sa pulisya ng kaanak ng mga biktima na nawawala ang mga ito matapos hindi na makabalik at hindi na rin matawagan ang kanilang cellphone.

Sinabi pa ni Polinar, tumulong na rin ang iba pang pribadong indibidwal sa paghahanap sa pamamagitan ng pagpapalipad ng drones sa posibleng mga daanan ng mga dayuhan.

Sinimula kahapon (Huwebes) ang rescue operations sa pangunguna ng Valencia Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) at tumulong na rin ang kalapit na bayan ng San Jose at Sibulan sa paghahanap. Mary Anne Sapico