ILOCOS SUR, Philippines – Patay ang isang 39-anyos na lalaki matapos barilin ng riding-in-tandem sa ulo sa Vigan City ng lalawigang ito bandang 12:45 ng madaling araw nitong Linggo, Hulyo 26.
Sa ipinadalang initial report ng Vigan City Police Station sa Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO), nabatid na ang biktima ay residente ng Zone V, Bantay, Ilocos Sur.
Ayon sa isang tricycle driver na nakausap ng mga imbestigador, bumibiyahe siya sa Gov. E Reyes St., Brgy. V, Vigan City nang makita niya ang ginawang pamamaril sa biktima.
Dalawang lalaki na parehong nakasuot ng helmet at nakasakay sa isang motorsiklo ang sinasabi ng witness na nakita niyang bumaril sa biktima.
Ang biktima ay isinugod sa Ilocos Sur Povincial Hospital-Gabriela Silang.
Gayunman, ang biktima ay hindi na nagawang isalba pa ng umatending doctor. Rolando S. Gamoso