INANUNSYO kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na mamimigay ng tig-P12k na ayuda ang pamahalaan para sa 3.5 milyong pamilya bilang bahagi ng second round ng ayuda para sa 7.5 milyong pamilyang Pilipino na tugon sa krisis sa langis kung saan gagastos ang gobyerno ng mahigit P12 bilyon para rito.
Dahil dito, nabuhay na naman tuloy sa alaala ng ilan sa P10k ayuda kada pamilya na ipinangako noon sa kanyang pangangampanya ni Senador Alan Peter Cayetano dahil pwede naman palang mamigay ng P12k ang pamahalaan diretso sa mga pamilya na ang ibig sabihin, kaya ding ipatupad ang P10k kada pamilya.
Tama lang na suportahan ng gobyerno ang pinakamahihirap na pamilya ngayong nagtataasan ang mga pangunahing bilihin dahil sa giyera sa Middle East pero hindi ba kailangan din, kung hindi man mas kailangan, ng mga Pilipino ang ganitong kagyat na suporta noong panahon ng pandemya?
Taong 2021, kasagsagan ng pandemya, nang unang ihain ni noo’y Taguig Representative Cayetano ang 10k ayuda bill sa Kongreso bilang House Bill 8597 pero hindi ito naipasa sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihain itong muli ni Cayetano ng sumunod na taon sa Senado, sa umpisa ng administrasyon ni Panglong Bongbong Marcos bilang Senate Bill No. 62 o Sampung Libong Pag-asa Law na hindi rin naipasa.
Napakalaking tulong sana ito para pasiglahin ang ang ekonomiyang bumabangon palang mula sa pandemya at maisasalba nito ang maliliit na negosyong nawalan ng puhunan at iikot din ang pera dahil magkakaroon ng pambili para sa mga pangunahing pangangailangan ang mga pamilya.
Pero hindi naging batas ang panukalang iyon ni Cayetano kahit may pera para gawin iyon dahil ayon mismo sa administrasyon, mas gusto nilang ikalat ang pera sa iba’t ibang programa sa magkakaibang ahensya.
Katunayan, noong 2024 sa budget debates sa Senado para sa 2025 national budget, kinumpirma ng administrasyon na may kabuuang P591-B ang inilaan nila para sa iba’t ibang tulong pinansyal. Kaya kung bibigyan mo ng tig-P10k ang 26.4 milyong pamilya sa bansa, P264-B lang ang gagastusin — may sobra ka pang mahigit P300-B. Kinumpirma iyan ni dating Senate Finance Committee Chair Grace Poe sa pagtatanong noon ni Cayetano.
Ang problema sa kalat-kalat na tulong-pinansyal sa panahong dapa ang buong ekonomiya, pinahihirapan mong pumila sa iba’t ibang ahensya ang mga taong walang budget para sa extrang pamasahe ay madalas kailangan mo pa ng padrino para mapasama sa listahan, o kaya’y maghihintay ka pa ng buwan bago mo matanggap. Mas malala, hindi naman alam ng mga tao na may ganito palang mga tulong-pinansyal na pwedeng ma-avail sa mga ahensya.
Kaya magandang hakbang ang direktang ayuda tuwing mga ekstra-ordinaryong panahon. Pero sana hindi ito ginagawa lang tuwing malapit na ang State of the Nation Address, o kapag politically convenience lang. Sana ginagawa rin ito kung kailan pinakakailangan at pinakanakakabuti sa ekonomiya ng bayan, kaalyado man o hindi ang nagpanukala.






