Home NATIONWIDE Palasyo sa publiko: Karahasan iwasan sa gitna ng flood control probe

Palasyo sa publiko: Karahasan iwasan sa gitna ng flood control probe

330
0

MANILA, Philippines – Pinayuhan ng Malacañang ang publiko na huwag makisama o sumawsaw sa mga grupong nangunguna sa karahasan at hayaan na gumalaw ang legal na proseso kaugnay ng imbestigasyon sa mga flood control project.

Ang pahayag na ito ng Malacañang ay kasunod ng isinagawang protesta ng militanteng grupo at mga flood survivors sa mga ari-arian na pag-aari ng kontrobersyal na contractor couple na sina Pacifico at Sarah Discaya.

Ayon sa ulat, binato ng putik at sinulatan ng salitang “magnanakaw” gamit ang spray paint ang compound gate ng Discaya-owned St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp. sa Pasig City nitong Huwebes ng umaga.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi papayagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang anumang public disorder.

“Sabi nga po ng Pangulo, sinusunod po natin ang due process. Ang pag-uutos na imbestigahan lahat ay para rin po sa taumbayan. Pero hindi po ninanais na magkaroon ng kaguluhan,” ani Castro.

“Hindi po iyan ang nais ng Pangulo. Nais ng Pangulo ay maliwanagan lahat tayo kung ano ang nangyayari sa mga flood control projects at maibigay ang nararapat sa taumbayan,” dagdag pa niya.

Winika pa ni Castro na nagpapatuloy ang imbestigasyon ukol sa kuwestiyonableng flood control projects upang tugisin ang mga nasa likod nito at matiyak ang transparency at accountability.

Pinayuhan din niya ang taumbayan na huwag magpadala sa mga maling impormasyon na maaaring “further fuel their anger,” sabay sabing ang ganitong aksyon ay counterproductive.

Dagdag pa ni Castro, inatasan na ang law enforcement agencies na pigilan ang pag-ulit ng insidente at tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa gitna ng imbestigasyon sa flood control projects.

Samantala, hinikayat din niya ang publiko, lalo na ang mga kabataan at vulnerable sectors, na maging mapagmatyag matapos ibunyag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na sinasamantala ng rebeldeng komunista ang isyu ng korapsyon para makapag-recruit ng bagong miyembro.

“Mag-isip po tayo dahil hindi po ito nadadaan sa dahas, at huwag po sanang gamitin ito kung ito ay naaayon sa report ng mga rebelde, ng mga obstructionists o mga kalaban sa pulitika,” ani Castro.

“Hindi po ito kailangang gamitin para magalit kayo sa gobyerno o magalit kung kanino man. Magtulung-tulong po tayong lahat para masawata ang korapsyon dito sa bansa,” dagdag pa niya.

(KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here