MANILA, Philippines – Tinawag ng Malacañang nitong Miyerkules, Agosto 5, na diversionary tactic umano ng mga kaalyado ni Vice President Sara Duterte ang mga kumakalat na pahayag na naaresto si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, layunin umano ng mga pahayag na ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga kaganapan sa impeachment trial ng Bise Presidente.
“Mapapansin na walang laman at walang konteksto ang pinapakalat nina Atty. Bondoc at Roque about Sen. Bato. ‘Timing’ ang ginagawa nila… para matabunan ang mga naisiwalat ng COA patungkol sa mga walang resibo na paggasta milyong-milyong pisong confidential funds ni VP Sara sa OVP at DEPED,” ani Castro.
“Makikita ang motibo sa ginagawang diversionary tactic ng mga kaalyado ni VP Sara. Maging mapanuri,” dagdag niya.
Sa social media post nitong Martes, sinabi ni dating presidential spokesperson Harry Roque na may umano’y nagtaksil kay Dela Rosa.
“Meron nga daw na nang-hudas kay Bato,” ayon sa post ni Roque.
Nauna nang sinabi ng Department of Justice at Department of the Interior and Local Government na wala silang “no information” na nagpapatunay sa umano’y pag-aresto sa senador.
Nakalista pa rin si Dela Rosa bilang “at-large” sa talaan ng mga defendant ng International Criminal Court nitong Miyerkules ng umaga.
Tinangka ng mga awtoridad na ihain ang ICC arrest warrant laban kay Dela Rosa sa Senado noong Mayo 11, na nauwi sa habulan sa loob ng gusali. Kalaunan ay isinailalim siya ng Senado sa protective custody.
Matapos makarinig ng mga putok ng baril habang naka-lockdown ang Senado, nakalabas si Dela Rosa sa madaling araw ng Mayo 14 matapos umanong “hitching” ng masasakyan kay Sen. Robinhood Padilla.
Hindi na muling nagpakita sa publiko si Dela Rosa mula noon. RNT