MANILA, Philippines – Nagpahayag ng matinding pagkondena ang Makabayan bloc sa naging balasahan sa liderato ng Senado, na tinawag nilang isang desperadong hakbang para i-hostage ang proseso ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon kina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Jane Elago, at Kabataan Rep. Renee Louise Co, ang pagpapalit ng liderato sa Senado sa mismong araw ng pagpapadala ng Articles of Impeachment ay isang “calculated political intervention” para protektahan ang mga makapangyarihan.
“Sobrang bulok ng sistema. What we witnessed today is the impeachment process being held hostage by competing reactionary political factions maneuvering for advantage,” pahayag ng grupo.
Binigyang-diin ng Makabayan bloc na ang pagbabagong ito sa Senado ay nagdadala ng dalawang malaking panganib: ang posibleng paggamit sa resolusyon ng Korte Suprema tungkol sa interpretasyon ng salitang “forthwith” bilang legal na butas upang patagalin nang walang katiyakan ang pagbuo ng Impeachment Court, at ang banta ng siguradong pag-abswelto kay VP Sara dahil sa bagong balasa sa Senado na pabor sa kanyang paksyon, kung saan maaaring makuha ang kailangang siyam na boto para sa acquittal base lamang sa “political arithmetic” sa halip na sa bigat ng ebidensya.
Nababahala rin ang mga progresibong mambabatas na ang bagong uupo bilang Senate Blue Ribbon Committee chair ay posibleng ilihis ang imbestigasyon palayo sa ilang senador na sangkot sa korapsyon.
Mariing nanawagan ang Makabayan sa publiko na huwag manahimik at gawing aksyon ang galit. Ayon sa kanila, ang impeachment ay bahagi lamang ng laban, ngunit mas malalim ang ugat ng korapsyon at maling sistema. Gail Mendoza