MANILA, Philippines – Umaasa si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na matutulungan ng posibleng testigo na si Ramil Madriaga na ilantad ang katauhan ni “Mary Grace Piattos” at iba pang misteryosong pangalan na konektado sa umano’y pag-abuso sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong panahon ni Vice President Sara Duterte.
“Kung may alam si Mr. Madriaga tungkol sa mga bogus na pangalan, panahon na para mailahad ito at magkaroon ng linaw, para magkaliwanagan na, lalo’t hindi ito sinasagot ni Vice President Duterte,” ani Ridon noong Linggo, Pebrero 8.
Si Madriaga, umano’y dating intelligence officer ng nakaraang Duterte administration, ay nagpakilala sa isang leaked affidavit bilang bagman ni VP Duterte, at inihayag na ang 2022 election campaign ng bise presidente ay pinondohan umano ng pera mula sa POGO at drug dealers, kabilang ang mga cash deliveries na umabot sa milyong piso.
Ayon sa abogado ni Madriaga, si Raymund Palad, handa ang kanyang kliyente na lumahok sa impeachment proceedings sa House of Representatives, Senado, o Office of the Ombudsman kapag opisyal na naimbitahan.
Ang pangalan na Mary Grace Piattos ay unang binanggit ni dating Rep. Romeo Acop bilang isang umano’y benepisyaryo ng confidential funds. Kasama rin sa listahan ng mga kahina-hinalang pangalan sina Mico Harina, Ralph Josh Bacon, Patty Ting, Sala Casim, Amoy Liu, Fernan Amuy, Joug De Asim, at Xiaome Ocho.
Ayon kay Ridon, makatutulong si Madriaga na ipaliwanag kung paano napasok ang mga pekeng pangalan sa opisyal na liquidation documents ng OVP at DepEd na isinumite sa Commission on Audit (COA). Marami sa mga pangalan umano ay walang birth, marriage, o death records sa Philippine Statistics Authority (PSA), kaya lumalala ang pagdududa sa lehitimidad ng mga benepisyaryo.
“Public funds come with public accountability. If these names are bogus, then someone must answer for how they were created, approved and liquidated,” dagdag ni Ridon. RNT/MND