MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pamamahagi ng mga kagamitang medikal at information technology sa 44 na health center sa Lungsod ng Maynila nitong Lunes, Peberero 2, 2026.
Ayon kay Domagoso, ito ay bilang bahagi ng pagpapalakas sa serbisyong pangkalusugan sa frontline at pagpapabuti ng kahusayan sa operasyon.
Dumalo sa turnover ceremony sina City Health Officer Dr. Grace Padilla, Assistant City Health Officer Dr. Ed Santos, ang 44 na hepe ng mga health center, at mga parmasyutiko.
Nabatid na umabot sa kabuuang 300 yunit ng kagamitan ang ipinamahagi na binubuo ng 100 ECG machine, 100 laptop, at 100 printer na ilalaan sa mga health center sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Ayon kay Domagoso, isinagawa ang pamamahagi matapos niyang personal na makita ang kalagayan ng mga kagamitan sa kanyang pagbisita sa mga health facility, lalo na ang ilang diagnostic tools na nagpapakita na ng pagkasira.
“Pag binibisita ko kayo sa health center, pag na-cha-chamba ko may Scotch tape na yung iba ninyong ECG machine. At least you have now extra, dalawa bawat isang health center. Kwarenta’y kuwatro kayo. Tapos may itatabi pa tayong counting natira kung may nasira, kasi matagal ang akusisyon,” ani ng alkalde.
Dagdag pa ni Domagoso, nagpasya rin ang lungsod na i-upgrade ang mga kagamitang pang-opisina matapos mapansin na may mga health center pa ring gumagamit ng luma at mabagal na computer system.
“Napapansin ko MS-DOS pa yata yung ibang computer natin. Minsan di ko na lang pinapansin, pero damang-dama ko. Kaya we are going to deliver 100 laptops to the health centers. 100 printers,” aniya.
Ipinaliwanag ng alkalde na tugon ang pamamahagi ng mga kagamitan sa mga kahilingang inilahad ng mga kawani ng health center, at binigyang-diin na sinisikap ng pamahalaang lungsod na makinig at kumilos sa kabila ng limitadong pondo.
“Some of you have requested tools and equipment from your health center. Gusto ko naman maramdaman niyo lang na may tainga ang liderato ng ating lungsod na unti-unti eh pinipilit ipagbuti yung gastusin and try to address as many requests as we can. As cash coming in, we spend efficiently being converted into services,” ayon pa kay Yorme.
Tiniyak din ni Domagoso sa mga hepe ng health center ang kanyang buong tiwala at hinikayat silang ipagpatuloy ang tapat na paglilingkod, sabay-diin na mahalaga ang papel ng mga frontline healthcare worker bago at pagkatapos ng gamutan sa ospital.
“So rest assured kayong mga taga–44 health centers na namamahala, you have my full trust and confidence ha. Mananatili kayo diyan. Gampanan ninyo ang inyong trabaho, ipagmalasakit ninyo. Kayo talaga ang frontline ng healthcare. Dalawang bagay yan: bago pumunta sa ospital, at pagkatapos pumunta sa ospital, sa atin yan napupunta.” ayon pa kay Yorme.
Binigyang-diin din ng alkalde na nananatiling prayoridad ang kalusugan sa ilalim ng Minimum Basic Needs (MBN) framework ng lungsod, na nagsisilbing gabay sa paggastos ng pondo ng pamahalaan.
“MBN. Ano yang MBN? Housing, Education, Healthcare, and Jobs. Yun lang. Malaking bulto ng pananalapi ng pamahalaan galing sa taong bayan ay ilalaan to address this. Because if we are going to be successful addressing this, tataas ang kalidad ng pamumuhay ng ating mga kababayan,” ani Domagoso.
“Kung may nakikita tayong ilaw, bulaklak, halaman, yun yung vetsin. Pampasarap lang. Pero the biggest portion is to invest to the people. Ayan ang purpose ng MBN.” dagdag pa nito.
Nagpasalamat si Domagoso sa mga health worker sa kanilang serbisyo at tiniyak na patuloy na makikipagtulungan ang pamahalaang lungsod sa kanila upang higit pang mapabuti ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa Maynila.
“We will be here with you side by side. Magpipilitin kong maging buti, maging mainam at epektibo para tong siyudad natin ay maging maaliwalas at panatag ang pamumuhay at tumaas ang kalidad ng bawat pamilyang naninirahan,” pagtitiyak ni Yorme. JAY Reyes