MANILA, Philippines – Natukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang motibo at mga personalidad na nasa likod ng pagkamatay ni Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido at walong taong gulang na anak nitong si John Ysmael.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., inaasahang ihahain na ang mga reklamo.
“We already have the names of those involved and the motive. We will disclose these tomorrow,” sinabi ni Nartatez.
“The police are working to ensure that all persons involved—whether individuals or groups—will be held accountable for what they have done,” dagdag pa niya.
Sa ngayon ay apat na indibidwal ang nasa kustodiya ng pulisya kabilang ang ex-husband at ama ng mga biktima na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido.
Nasa kustodiya rin ang car agent at partner nito, isang dating pulis, at isa pang suspek.
Matatandaan na natagpuan ang bangkay ni Ysmael noong Enero 29 sa isang calamansi farm sa Victoria, Tarlac, habang ang ina nitong si Diane ay nadiskubreng wala nang buhay sa isang creek sa Pulilan, Bulacan noong Enero 24.
Sa initial findings ng pulisya, patungo sina Diane at Ysmael sa Quezon City para makipagkita sa ahente ng kotse.
Anang pulisya, ang ahente ay inaanak ni Diane.
Kalaunan ay ginalugad ng mga awtoridad ang tirahan ng ahente sa Quezon City kung saan huling nakitang buhay si Diane. Dito nadiskubre ang mga bakas ng dugo sa loob ng bahay.
Isa sa mga suspek ang nagsabi naman na nakita niya ang sitwasyon matapos ang pamamaril sa bahay ng car agent at partner nito, gabi ng Enero 16. RNT/JGC