Home NATIONWIDE Pamamahagi ng food packs sa hagip ni Egay, Falcon pinamamadali

Pamamahagi ng food packs sa hagip ni Egay, Falcon pinamamadali

SINABIHAN ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang mga regional director na bilisan ang pamamahagi ng relief packs sa mga lugar na apektado ng kamakailan lamang na bagyo at Habagat.

Ani Gatchalian, nagpalabas ang National Resource Operations Center (NROC) ng libo-libong kahon ng family food packs (FFPs) sa nakalipas na dalawang araw.

“I hope all the RDs are allocating these and releasing them as fast as NROC. And we hope that the stakeholders get them fast. The goods should not sleep in our warehouses,” ayon kay Gatchalian.

Sinabi ng mga regional director, mamamahagi sila ng mga relief goods alinsunod sa delivery plan na dinisenyo ng DSWD Disaster Response and Management Group.

Batay sa pinakabagong data mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), makikita na ang death toll mula sa pinagsamang epekto ng Southwest Monsoon o Habagat at Typhoon Egay ay umakyat sa 27 “as of August 2.”

Tinatayang mahigit sa 2.8 milyong katao, o 765,000 pamilya ang apektado ng tuloy-tuloy na pag-ulan at pagbaha sa 4,646 barangay sa buong bansa. Sa nasabing bilang, may 289,713 indibiduwal ang na-displaced at inilipat sa 677 evacuation centers.

Idineklara naman ang state of calamity sa 154 lugar sa bansa dahil sa epekto ng Egay at Habagat. Ang mga lungsod at munisipalidad ay matatagpuan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Cordillera Administrative Region.

Ayon sa NDRRMC, 595 lugar ang nananatiling baha “as of Wednesday.”

TInatayang P187.4 milyong halaga ng tulong ang ibinigay sa mga apektadong rehiyon. Kris Jose