MANILA, Philippines – Naglabas ng mga pamamaraan ang mga ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Justice (DOJ) para maging maayos at wasto ang paghawak sa mga kaso ng terrorism at terrorism financing.
Nilagdaan sa DOJ ang memorandum of agreement (MOU) para sa Standard Operating Procedures (SOPs) for terrorism and terrorism financing cases.
“The evolving nature of terrorism requires adaptable strategies,” inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa ginanap na MOU signing.
Inilatag sa SOPs ang malinaw na pagpatnubay upang masiguro ang mabilis at pinag-isang aksyon laban sa mga “terrorism enablers”.
Layunin nito na matiyak na mahahatulan sa korte ang mga akusado at umangat ang tiwala ng publiko sa justice system.
Binalangkas ang SOPs na may internasyunal na pamantayan para makasabay ang Pilipinas sa pagdaigdigan na laban kontra terorismo.
“Through mutual legal assistance, intelligence-sharing, and cross-border investigations, we strengthen our collective ability to disrupt financial flows that enable acts of terror,” giit ng kalihim.
Sa mga kasong may kinalaman naman sa mahihinang sektor at mga testigo, inilagay sa SOPs ang pagbibigay ng karagdagang proteksyon gaya ng access sa psychological support at confidentiality measures.
Bukod sa DOJ, kabilang sa mga lumagda sa kasunduan ay ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), Philippine National Police (PNP), Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG). Teresa Tavares