Home NATIONWIDE Pamangkin ng DILG chief nagyabang, huli sa operasyon ng kolorum – MMDA

Pamangkin ng DILG chief nagyabang, huli sa operasyon ng kolorum – MMDA

Kuha ni Crismon Heramis l Remate News Central

MANILA – Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Huwebes na isang kaanak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang inaresto dahil sa pag-oopereyt ng mga “colorum” (illegal public transport) na sasakyan.

Sa isang pahayag, sinabi ni MMDA Assistant General Manager for Operations, Assistant Secretary David Angelo Vargas, na isang Jaz Abalos ang pumunta sa punong tanggapan ng MMDA upang “makipag-ayos” matapos mahuli ng mga awtoridad ng MMDA ang isang pampasaherong van na may expired na rehistro ng sasakyan.

Ang mga pasahero ng van ay nagbayad umano sa mga operator ng van ng tig-P200 para ihatid sila sa Laguna.

Sinabi ni Vargas na tahasang sinabi ni Jaz Abalos na siya ay pamangkin ni Secretary Abalos.

“Upon verification, kamag-anak pala ng DILG chief ang babae. Nakilala siya ng isa sa mga miyembro ng pamilya Abalos sa pamamagitan ng kanyang larawan at pangalan,” aniya.

Agad na ipinaalam ni Vargas kay Secretary Abalos na iprinenda ang kanyang pangalan ng babae para makaiwas sa huli.

Nasakote rin ng mga awtoridad ang driver ng colorum na pampasaherong van na nagngangalang Antonio Mirasol na nagpakita ng pekeng driver’s license.

Sina Jaz Abalos at Mirasol ay nahaharap sa kasong falsification of public documents with conspiracy, estafa, resistance and disobedience, at light threat. Santi Celario