MANILA, Philippines – Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Huwebes na mag-aalok ito ng Libreng Sakay para matulungan ang mga commuters na maaapektuhan sa dalawang araw na transport strike sa Abril 15-16.
Ang pahayag ay matapos ianunsyo ng transport groups na PISTON at MANIBELA na magsasagawa sila ng nationwide transport strike sa susunod na linggo sa gitna ng nalalapit na deadline para sa konsolidasyon ng mga driver at operator ng public utility vehicle (PUV).
Sa isang press briefing, sinabi ni MANIBELA president Mar Valbuena na inaasahan nilang nasa 30,000 jeepney drivers sa National Capital Region at hindi bababa sa 100,000 iba pa sa buong bansa ang sasama sa protesta.
Sa kabila ng napipintong welga, binigyang-diin ng LTFRB na kailangang tapusin ang PUV consolidation sa Abril 30, ayon sa mandato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Gayunpaman, iginiit ni Valbuena na ang Kongreso lamang ang may kapangyarihang bawiin ang mga prangkisa.
Parehong sinabi ng PISTON at MANIBELA na mag-ooperate pa rin sila kahit lumipas na ang deadline sa Abril 30.
“Tatakbo kami sa May 1. Kongreso lang ang puwedeng magtanggal sa prangkisa. Tatakbo at tatakbo kami, kung hulihin niyo kami, kami na mismo ang lalapit sa inyo,” ani Valbuena.
Hiniling ng LTFRB sa mga kalahok ng strike na huwag hadlangan ang ibang mga jeepney driver na maghanapbuhay dahil kailangan nilang tustusan ang kanilang pamilya at para sa benepisyo ng mga commuter. RNT