MANILA, Philippines – DALAWANG araw bago ipagdiwang ang araw ng Pasko, magpapatupad ng bawas presyo sa kada litro ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas ng umaga, Disyembre 23.
Sa magkakahiwalay na anunsiyo na inilabas ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, Caltex (CPI) at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng bawas presyo na P0.80 sa kada litro ng gasolina, P1.30 sa kada litro ng diesel at P1.60 naman sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.
Samantala, kahalintulad din ng mga nabanggit na presyo ang ipatutupad na rollback ng halaga ng produktong gasolina ng mga kompanyang PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, at Petro Gazz simula alas-6:01 din ng Martes ng umaga habang alas-8:01 naman ng umaga ang Clean Fuel.
Ayon kay PTT Philippines Media Relation Officer Jay Julian, ang panibagong oil price hike na ipatutupad ng mga lokal na kompanya ay batay sa dikta ng pandaigdigang merkado ng presyo ng langis na dulot na rin ng mataas na pangangailangan sa langis ng maraming bansa.
Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ang mga kompanya ng langis sa bansa ng dagdag presyo na P0.20 sa kada litro ng gasolina habang bawas presyo naman na P0.20 sa kada litro ng diesel at kerosene. JAY Reyes