Home NATIONWIDE Pamilya ng nawawalang mangingisda sa WPS hit-and-run incident, inayudahan ni Sen. Tol

Pamilya ng nawawalang mangingisda sa WPS hit-and-run incident, inayudahan ni Sen. Tol

Personal na binisita ni Senate Majority Leader Francis 'Tol' Tolentino at nagpaabot ng tulong sa pamilya ni Jose Mondoniedo. Nagbigay siya ng tulong-pinansyal para sa pag-aaral ng tatlong anak ng mag-asawa, at nangakong maghanap ng programang pang-iskolar para sa kanila.

SUBIC, ZAMBALES – Tapat sa kanyang pangako, personal na binisita at inayudahan ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang pamilya ni Jose Mondoniedo – ang mangingisdang nawawala matapos ang ‘hit-and-run’ incident na kinasasangkutan ng dayuhang barko sa karagatan ng Subic, West Philippine Sea noong Hulyo 3.

Nakausap ni Tolentino ang asawa ni Jose na si Delia, 43, at ang kanilang mga anak: Kayla Marie, 21, Kyle Ryan, 17, at Kylyn Maine, 8 sa ancestral home ng Mondoniedos sa Barangay Cawag.

Nagbigay ang senador ng tulong-pinansyal para sa edukasyon ng tatlong anak ng mag-asawa, at nangakong maghahanap ng scholarship program para sa kanila. Binigyan din niya ng laptop at printer si Kayla Marie, isang education major sa Kolehiyo ng Subic.

Ikinuwento ng nakatatandang kapatid ni Jose na si Robert, 47, kina Tolentino at Subic Mayor Jon Khonghunang ang insidente noong Hulyo 3. Nakatanggap din si Robert ng cash assistance mula sa senador.

Pinagtibay ni Robert ang kanyang naunang kuwento na isang cargo vessel na may markang Chinese at mga salitang, ‘Yang Fu,’ ang bumangga sa kanilang bangkang pangisda na noon ay nakatali sa isang payao habang nanananghalian sila ni Jose, bandang 12: 30 ng tanghali ng Hulyo 3.

Sinabi rin ni Robert na nakita niya ang nakababatang kapatid na tinangay sa ilalim ng cargo ship. Idinagdag niya na ang katawan ni Jose ay lumutang mula sa tubig, ilang minuto mula sa propeller ng barko na wala nang malay.

Ibinahagi ni Tolentino sa Mondoniedos na tinitingnan na ng Philippine Coast Guard ang dalawang ships of interest na kasalukuyang nakadaong sa Indonesia.

Nang tanungin ng mga mamamahayag ang mga update tungkol sa mga aksyon ng gobyerno, sinabi ni Tolentino na nakipag-ugnayan na siya sa Department of Justice para mangalap ng mga katotohanan at magsampa ng kaukulang kaso laban sa barkong mapatutunayang responsable.

“Nagbigay tayo ng scholarship sa tatlong magkakapatid, yun isang bata humiling ng bagong laptop at printer, inabot na natin, yung kapatid na nabuhay, si Roberto Mondonedo, ay pinadalhan na natin through Gcash,” sabi ni Tolentino.

“Pero ang pinakamahalaga ngayon, ay malaman kung ano na ang kalagayan ni Jose. Kausap ko si Admiral Ronnie Gavan at patuloy pa ang kanilang paghahanap… tuloy lang ang imbestigasyon nila at rescue,” anang senador.

Matapos ang kanyang pakikipag-usap sa mga Mondoniedos, pumunta si Tolentino sa kalapit na bayan ng San Marcelino kung saan binisita niya ang burol ni Konsehal Aleysander ‘Ly’ Aquino. Si Aquino ang unang nagsumbong sa senador tungkol sa hit-and-run incident at ang nawawalang mangingisda.

Si Aquino, ayon sa kanyang pamilya, ay binawian ng buhay dahil sa atake sa puso noong Hulyo 10. RNT