MANILA, Philippines – Mariing pinabulaanan ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director, Undersecretary Paul Gutierrez, nitong Biyernes ang sinasabing kaugnayan niya kay Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, sa bayaw nito na si Mans Carpio, at sa negosyanteng si Michael Yang.
Ito ay matapos sabihin ni dating Customs intelligence officer Jimmy Guban na nagsilbing emissary si Gutierrez para balaan siyang huwag i-tag sina Duterte, Carpio, at Yang sa 2018 shabu importation mess.
Aniya, hindi niya personal na kilala at hindi niya nakilala ang alinman sa mga Duterte, Carpio, o Michael Yang.
Itinanggi rin ni Gutierrez ang alegasyon na nagtrabaho siya bilang ‘assistant’ ni dating environment undersecretary Benny Antiporda at pinadadala bilang emissary upang takutin si Guban.
Sinabi niya na siya ay isang reporter at kolumnista para sa pahayagang People’s Tonight, na nagko-cover sa Customs at Senate beats noong panahong nakakulong si Guban sa Senado.
Bilang isang “lowly reporter,” sinabi ni Gutierrez na wala siya sa anumang posisyon para gumawa ng anumang pagbabanta kay Guban, at maging sa harap ng isang kawani ng Senate Blue Ribbon Committee.
“How can I threaten him on behalf of people that I don’t know and who also do not know me? Also, if indeed, I did that, would this not be reported to the Senate Blue Ribbon Committee leading to my being banned from further covering the Senate?” sabi ni Gutierrez.
Sinabi ni Gutierrez na mayroon ding panuntunan ng Senado na ang pagbisita sa sinumang nakakulong nito ay kailangang aprubahan ng committee chairperson at ang resulta ay dapat iulat sa kanya.
Kinumpirma niya na minsang bumisita siya kay Guban, pagkatapos na ipag-utos ng Senado na ikulong siya para lang “tingnan ang kondisyon ng kanyang kalusugan dahil marami sa mga panahong iyon ang naniniwala na nagpapanggap lamang siyang may sakit para maiwasan ang karagdagang pagtatanong.”
Pinabulaanan din niya ang pahayag ni Guban na si Yang, dating economic adviser ni dating pangulong Rodrigo Duterte, ay “miyembro” ng National Press Club (NPC).
Kapwa naging presidente ng NPC si Gutierrez at Antiporda.
“We have never met Mr. Yang nor has Mr. Yang ever set foot at the NPC,” sabi ni Gutierrez. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)