MANILA, Philippines – Kumilos na ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) upang imbestigahan ang mga ulat ng pagbabanta at karahasan laban sa mga mamamahayag, kasabay ng tumitinding tensyon bago ang midterm elections.
Ito ay kasunod ng ulat na binantaan umano ni La Paz, Abra Mayor Joseph Bernos—na tumatakbo rin bilang kongresista—ang reporter ng DZRH na si Romeo Beñas Gonzales sa pamamagitan ng Facebook Messenger at video call noong Abril 21.
Sa isang pahayag noong Huwebes, sinabi ng PTFOMS na nakikipagtulungan ito sa Philippine National Police (PNP) upang beripikahin ang mga paratang at masuri ang mga banta sa seguridad ng mamamahayag.
Sa hiwalay na insidente, pinaulanan ng bala ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang tahanan ni dating Negros Press Club president at radio blocktimer Reynaldo Siason sa Talisay City, Negros Occidental noong Abril 20.
Ayon kay PTFOMS Executive Director Undersecretary Jose Torres Jr., siniseryoso ng ahensya ang lahat ng uri ng banta laban sa mga media workers at nakatuon ito sa pagpapanatili ng kanilang kaligtasan habang ginagampanan nila ang mahalagang papel sa demokrasya.
Nanawagan din si Torres sa lahat ng kandidato na igalang ang kalayaan ng pamamahayag at hayaang gampanan ng mga mamamahayag ang kanilang tungkulin nang walang takot sa paghihiganti at karahasan.
Muling iginiit ng PTFOMS ang panawagan para sa responsableng pamamahayag, binigyang-diin na sa panahong puno ng tensyon at hamon, mahalaga ang pagsunod sa mga etikal na pamantayan ng propesyon.
Samantala, mariing kinondena ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang umano’y pagbabanta ni Bernos kay Gonzales. Nanawagan si NPC President Leonel Abasola sa mga kinauukulang ahensya, partikular ang Commission on Elections (Comelec) at Department of the Interior and Local Government (DILG), na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente.(Jocelyn Tabangcura-Domenden/JR Reyes)