MANILA, Philippines – Nanawagan si dating presidential spokesperson Harry Roque at mga tagasuporta ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbitiw na sa pwesto.
Sa indignation rally sa Liwasang Bonifacio, dala-dala ng mga lumahok sa kilos protesta ang mga placards na nakasulat ang mga katagang “Marcos resign” o “BBM resign” habang ang iba naman ay may hawak na watawat ng Pilipinas.
Samantala, may mga iba namang sumisigaw ng “justice for KOJC.”
“Naririto po kami na naninindigan na ang dapat mamuno ng Pilipinas ay dapat nasa tamang pag iisip. Dahil kapag ikaw ay bangag, kakaladkarin mo sa gera ang iyong bansa,” sinabi ni Roque sa kanyang speech.
Ang mensahe ni Roque ay sinundan ng mga hiyawan ng “BBM resign” at “bangag.”
Wala pang tugon ang Malacañang tungkol dito.
Nitong Linggo ng gabi, nagkampo rin sa airport road sa Davao City ang mga miyembro ng KOJC na nagdulot ng abala sa mga residente at mga pasahero ng kalapit na Davao International Airport.
Ito ay kasunod ng pagpasok ng mga pulis sa compound umaga ng Sabado para arestuhin si Quiboloy na hanggang ngayon ay nagtatago pa rin.
Ayon sa Police Regional Office 11, ang kanilang mga unit ay hindi aalis hangga’t hindi naaaresto ang puganteng pastor na nagpapanggap na ‘Appointed Son of God.’
Si Quiboloy ay nahaharap sa mga reklamong paglabag sa Section 5(b) ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act sa ilalim ng Section 10(a) sa Quezon City court.
Nahaharap din ito sa non-bailable Qualified Human Trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, na inamyendahan sa Pasig court.
Samantala, may alok pa rin na P10 milyong reward sa makapagbibigay ng impormasyon para sa ikaaaresto ni Quiboloy. RNT/JGC