MANILA, Philippines – Nagpatuloy pa rin sa paglalayag ang BRP Datu Sanday ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa kabila na napinsala ito sa pinakahuling pag-atake ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) malapit sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
Sa ulat, sinabi na binangga ng mga barko ng CCG ang barko ng BFAR na BRP Datu Sanday. Ginamitan din ito ng water cannon ng dalawa iba ang barko ng CCG na sumunod dito, saka muling binangga.
“(BFAR) vessel, BRP Datu Sanday (MMOV 3002), encountered aggressive and dangerous maneuvers from eight (8) People’s Republic of China (PRC) maritime vessels …The CCG vessels made close perilous maneuvers that resulted in ramming, blasted horns, and deployed water cannons against the BFAR vessel,” ayon sa NTF-WPS.
Nasira ng water cannon ang navigation at communication equipment sa mast at superstructure ng BRP Datu Sanday.
Sa loob naman ng Sanday ay nayupi ang kisame at nagkaroon ng crack ang ilang bintana.
Sa kabila nito, nagpatuloy sa paglalatyag ang barko patungo sa provision area nito.
Ang pinakamatinding pinsala ay nasa kaliwang bahagi ng Datu Sanday kung saan ito binangga ng CCG 21555.
Nagasgasan din ng kaparehong barko ang simbolo ng BFAR sa port side at ang starboard o kanang bahagi ng bow malapit sa pangalan ng barko.
Nasira rin ng water cannon ang mga railing, rear exhaust, at ilang air conditioning units.
Ang Datu Sanday ay seven nautical miles sa timog silangan ng Escoda Shoal nitong Linggo nang atakehin ng water cannon ng China mula sa CCG vessel 4202 bandang 1:46 ng hapon.
Matapos ang pambobomba ng water cannon ay makailang ulit pa itong binangga at pinagtulungan ng mga barko ng CCG.
Ligtas naman ang lahat ng sakay ng Sanday, maging ang mga crew, BFAR officials at miyembro ng media. RNT/JGC