MANILA, Philippines – Tinanggihan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang panawagan na maging drug czar siya sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Ang tugon niyang ito sa panawagan nina Senador Ronald Dela Rosa at Senador Christopher “Bong” Go ay upang magbigay daan sa kasalukuyang liderato na solusyunan ang problema sa droga sa kanilang sariling pamamaraan.
Matatandaan na maging si Police Chief Benjamin Acorda, Jr. ay nagsabi na susuportahan niya ang panawagang ito.
Sa kabila nito, hindi ikinokonsidera ni Duterte ang naturang hakbang.
“Mukhang hindi na rin tama because there is a President duly elected and it is his duty to enforce the law and solve crimes,” pahayag ni Duterte sa panayam ni Pastor Apollo Quiboloy.
“Let us give Marcos the greatest elbow room leeway to do his job in just one year. In fairness sa mga pulis, ‘yan ang problema… It’s a matter of leadership,” dagdag niya.
Matatandaan na noong namumuno pa ay sinabi ni Duterte na bukas siya sa ideya na ituloy ng susunod na Pangulo ang kanyang pamamaraan ng paglaban kontra illegal na droga.
Sa kabila nito, patuloy pa rin umanong susuportahan ni Duterte ang drug war kahit na baguhin pa ito.
Ang drug war sa ilalim ng nakaraang administrasyon ay binatikos ng international community partikular na ang International Criminal Court dahil umano sa paglabag sa karapatang pantao ng mga nasawing mga indibidwal sa kampanya kontra droga. RNT/JGC