Home NATIONWIDE Pandaigdigang presyo ng langis, sumirit ng 3%

Pandaigdigang presyo ng langis, sumirit ng 3%

248
0

NEW YORK — Sumirit ng humigit-kumulang 3% ang presyo ng langis noong Huwebes, umabot sa pinakamataas sa loob ng limang buwan, sa gitna ng pangamba na maaaring maantala ang suplay sa pandaigdigang merkado sakaling umatake ang Estados Unidos laban sa Iran, isa sa malalaking prodyuser ng krudo sa mundo.

Umakyat ang Brent futures ng $2.31 o 3.4% at nagsara sa $70.71 kada bariles, habang tumaas naman ang U.S. West Texas Intermediate (WTI) ng $2.21 o 3.5% sa $65.42 kada bariles. Ito ang pinakamataas na pagsasara ng Brent mula Hulyo 31 at ng WTI mula Setyembre 26.

Lalong umigting ang pangamba ng merkado matapos lumabas ang ulat na pinag-aaralan ni U.S. President Donald Trump ang iba’t ibang opsyon laban sa Iran, kabilang ang targeted strikes laban sa mga pwersang panseguridad at lider ng bansa. Babala ng mga analyst, anumang paglala ng tensyon ay maaaring makaapekto sa daloy ng langis, lalo na sa Strait of Hormuz.

“The immediate (market) concern … is the collateral damage done if Iran takes a swing at its neighbors or possibly even more tellingly, it closes the Strait of Hormuz to the 20 million barrels per day of oil that navigates it,” ayon kay PVM analyst John Evans.

Ayon sa datos ng U.S. Energy Information Administration, ikatlo ang Iran sa pinakamalalaking prodyuser ng krudo sa OPEC noong 2025, kasunod ng Saudi Arabia at Iraq. Noong Huwebes, nagpatibay din ang European Union ng mga bagong parusa laban sa Iran at itinalaga ang Iran’s Revolutionary Guard bilang isang teroristang organisasyon.

“The potential for Iran getting hit has escalated the geopolitical premium of oil prices,” ayon sa Citi analysts.

Nakatulong din sa pagtaas ng presyo ng langis ang patuloy na paghina ng dolyar ng Estados Unidos, na nananatili malapit sa pinakamababang antas mula Pebrero 2022, gayundin ang pananaw na maaaring manatiling hindi nagbabago ang interest rates sa U.S.

Napansin din ng mga analyst na umakyat sa $5.30 kada bariles ang premium ng Brent laban sa WTI—ang pinakamataas mula Abril 2024—na maaaring maghikayat ng mas mataas na eksport ng krudong langis mula sa U.S. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here