COTABATO- PATAY ang isang panday habang sugatan ang lima nitong kasamahan matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang boom truck, kahapon ng hapon, Oktubre 1 sa bayan ng Arakan,
Dead-the-spot ang biktima na kinilalang si si Jimmy Linco, panday, residente ng Brgy. Mabuhay, President Roxas, Cotabato; habang ang mga sugatan at sina Wenefred Lozano Dacanay, 30 anyos, may asawa, driver, residente ng 114, Brgy. Binoligan, Kidapawan City; John Lester Gentallan, 35 anyos, laborer, residente ng President Roxas; Marvin Suminguit Aborque, 26 anyos, backhoe operator at residente ng Prk Mangga, Brgy Paco, Kidapawan City; Noel Blancaber, 52 anyos, foreman, residente ng Brgy Sudapin, Kidapawan City at Aldrin Gentalla, 28 anyos, skilled worker na residente ng Brgy. Sudapin, Kidapawan City, lahat ay nagtatrabaho sa isang construction company.
Batay sa report ng Arakan Municipal Police Station, bandang 1:15 PM ng Martes naganap ang insidente sa Sitio Napanlahan, Barangay Poblacion, ng naturang bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mga biktima ng kulay puti na Boom Truck na may plakang NDH3373 at patungo sana ang mga ito sa Barangay Salansang ng nasabing bayan.
Pagdating sa paakyat na bahagi ng lugar, bigla na lamang nasira ang makina ang truck at umatras ito dahilan para tumagilid sa gilid ng kalsada at tuluyan nahulog sa bangin na may lalim na 10 metro.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan si Linco na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang nilapatan naman ng lunas sa ospital ang mga nasugatan kasamahan. Mary Anne Sapico