MANILA, Philippines – Inaasahang magdadala ng P102.12 bilyong halaga ng kita sa pamahalaan ang implementasyon ng 12% value-added tax sa digital services na ibinibigay ng non-resident o foreign entities sa bansa sa susunod na limang taon.
Sa pahayag, sinabi ng Department of Finance (DOF) nitong Miyerkules, Oktubre 2 na sa oras na maipatupad ang VAT sa foreign digital service providers, inaasahang makakakolekta rito ng P102.12 bilyong kita mula 2025 hanggang 2029.
Sa 2025 lamang, sa 50% compliance ay posibleng umabot ng P7.25 bilyon ang kita rito.
Nitong Miyerkules ng umaga, matatandaang pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12023 na nagpapataw ng 12% VAT sa foreign digital services.
Ayon sa DOF, ang buwis na kokolektahin mula sa non-resident digital service providers “will be channeled into projects that directly benefit the Filipino people, such as building more schools, roads, and hospitals as well as
supporting vital socio-economic programs.”
Sa susunod na limang taon, ang 5% ng nakolektang kita ay gagamitin para sa pagpapaunlad sa local creative industries at pagpapalakas sa mga susunod na henerasyon ng Filipino creators at entrepreneur. RNT/JGC