PARIS, France – Ibinabala ni Marie-Anne Rameix-Welti, medical director ng respiratory infections centre ng France’s Institut Pasteur, ang bird flu na kumakalat sa mga ligaw na ibon, manok, at iba pang hayop ay maaaring magdulot ng pandemya na mas malala pa kaysa COVID-19 kung magbabago ito upang makahawa sa tao.
“Ang kinatatakutan namin ay ang virus ay mag-adapt sa mga mammal, at lalo na sa tao, maging kaya nitong makahawa sa tao, at ang virus na iyon ay magiging pandemic virus,” sinabi ni Rameix-Welti sa Reuters.
Ang highly pathogenic avian influenza ay nagresulta na sa pagpatay ng daan-daang milyong ibon, na nagdulot ng pagkaantala sa suplay ng pagkain at pagtaas ng presyo, bagaman bihira pa rin ang impeksyon sa tao.
Hindi tulad ng COVID-19, ang flu virus ay maaaring pumatay kahit mga malulusog na tao, kabilang ang mga bata.
“Ang pandemya ng bird flu ay malamang na lubhang malala, posibleng mas malala pa kaysa sa pandemya na naranasan natin,” dagdag niya.
Bihira man, may mga kaso ng H5 bird flu sa tao. Nitong buwan lamang ay naitala ang kauna-unahang kaso ng H5N5 sa isang tao sa Washington state, na namatay.
Mula 2003 hanggang 2025, iniulat ng WHO ang halos 1,000 outbreaks sa tao, kung saan 48% ang namatay, karamihan sa Egypt, Indonesia, at Vietnam.
Sa kabila ng banta, sinabi ni Gregorio Torres mula sa World Organisation for Animal Health na mababa pa rin ang panganib ng pandemya sa tao.
“Kailangan nating maging handa na tumugon agad. Pero sa ngayon, maaari kayong maglakad sa kagubatan, kumain ng manok at itlog, at mag-enjoy sa inyong buhay. Posible ang pandemya, ngunit sa probabilidad, mababa pa ito,” ani Torres.
Ayon kay Rameix-Welti, mas handa na ang mundo ngayon kumpara bago ang COVID-19.
“Ang magandang punto sa flu, kumpara sa COVID, ay may mga tiyak tayong preventive measures. May mga vaccine candidates na handa at alam natin kung paano gumawa ng bakuna nang mabilis,” dagdag niya. “Mayroon din tayong stock ng specific antivirals na, sa prinsipyo, epektibo laban sa virus na ito ng avian influenza.” RNT