MANILA, Philippines- Posible umanong mauulit ang kasaysayan na magbubunga ng pag-akyat ng kamag-anak sa mataas na pwesto o magkakaroon ng malaking kaguluhan sakaling hindi mapauwi at abutan ng kamatayan sa The Hague, Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Meet the Manila Press forum, sinabi ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, kung titignan aniya sa kasaysayan natin ng pagkamatay ng isang kilalang tao at dating presidente (Cory Aquino) ay umakyat ang kanyang anak (PNoy) na wala namang ambisyon para tumakbo sa pagka-Pangulo.
“Si PNoy walang ambisyon–namatay ang nanay niya, naging presidente siya– ganun din nakikita natin dito,” pahayag ni Panelo na ang tinutukoy ay ang posibleng pag-akyat o ang pagiging presidente rin ng Pilipinas si Vice President Sara Duterte kung ang kanyang ama ay sa The Hague aabutan ng kamatayan dahil sa tagal ng paglilitis ng kanyang kaso sa ICC.
Ayon kay Panelo, ngayon pa lamang aniya na nakakulong pa lamang si Duterte ay nagre-react na ang mga tao mula sa iba’t ibang panig ng PIlipinas at sa buong mundo.
“Ang kasaysayan ay mauulit, pag hindi sila magbago (gobyerno)– maging mitsa ng sunog na hindi alam paano papatayin,” sabi pa ni Panelo.
Sinabi ni Panelo na walang ibang naisisilip na paraan kundi pakiusapan ng gobyerno ang lahat ng miyembro ng Rome Statute sa ICC at makialam sa problema ng dating Pangulo na maghanap ng tamang solusyon para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Nang tanungin kung pinaghandaan ni Duterte ang kanyang pagkakaaresto, sinabi ni Panelo na hindi natatakot ang dating Pangulo at nakahanda rin siya sa anumang kahihitnan ng kanyang kapalaran kaya hindi rin siya natatakot sa kamatayan. Jocelyn Tabangcura-Domenden