MANILA, Philippines – PINAYUHAN ni dating presidential spokesman Salvador Panelo si National Bureau of Investigation (NBI) director Jaime Santiago na bumalik sa law school matapos nitong irekomenda ang paghahain ng criminal charges laban kay Vice President Sara Duterte.
Tila ipinamukha ni Panelo kay Santiago na ang rekumendasyon nito ay walang “factual o lawful basis.”
Inirekomenda kasi ng NBI ang paghahain ng Inciting to Sedition at Grave Threats charges laban kay VP Sara makaraan ang public declaration ng huli na di umano’y kumontak na siya ng taong papatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez kapag ang plano sa kanya na ilikida siya ay maging matagumpay.
“The Director of the NBI should go back to law school,” ang sinabi ni Panelo.
Giit pa ni Panelo, kung tutuusin ,ang rekumendasyon ng NBI na maghain ng criminal charges na Grave Threats at Inciting to Sedition laban kay VP Sara ay walang basehan sa batas at walang katotohanan.
“There can be no crime of a ‘threat’ from the grave,” aniya. “Neither has VP Sara publicly and tumultuously incited the people to perform acts of sedition as defined by law or to go against the constituted authorities or to stop the enforcement of laws,” dagdag na wika nito.
Malinaw naman ani Panelo na ang naging pagkilos ng NBI ay nangangamoy politika.
Dahil dito, hinikayat niya ang NBI na ituon ang pansin at atensyon sa paghuli sa mga kriminal sa halip na sayangin ang public funds para wasakin lamang ang reputasyon ni VP Sara.
“It obviously is tainted with politics, and still part of the demolition job on her by her political enemies to put her out of contention in the presidential race of 2028,” ang sinabi ni Panelo.
“The NBI should instead focus on stopping criminals from committing crimes or filing charges against them instead of harassing VP Sara with ludicrous and baseless criminal complaints. It’s a waste of taxpayers money,” aniya pa rin. Kris Jose