Home NATIONWIDE Pangalan ni Leni Robredo ginagamit ng manggagantsyo

Pangalan ni Leni Robredo ginagamit ng manggagantsyo

MANILA, Philippines – Nagbabala si dating Vice President Leni Robredo sa publiko tungkol sa pekeng numero gamit ang kanyang pangalan na nanamantala sa pamamagitan ng paghingi ng donasyon para sa mga biktima ng Tropical Storm Kristine.

“Hindi ako ang taong iyon. Isa lang ang number ko at wala akong Messenger account” ani Robredo ngayong Miyerkoles.

Nilinaw niya na siya o sinuman mula sa “Angat Buhay” o kanyang Naga Team ay hindi maaaring tumanggap ng cash donations bilang bahagi ng kanilang transparency policy.

“Para sa lahat ng cash donations, ang Kaya Natin lang ang pinahintulutan namin na tumanggap para sa amin para may transparency at accountability,” dagdag ni Robredo.

“Pakiusap, huwag sumunod/maniwala sa mga nagpapanggap na ako o sinumang miyembro ng koponan ng Angat Buhay.”

Ang Naga ay kasalukuyang nasa Signal No. 1 at maaaring asahan ang hanging 39 kph hanggang 61 kph o paputol-putol na pag-ulan sa susunod na 36 na oras dahil sa mga epekto ng Tropical Storm Kristine.

Tatlo ang iniulat na patay sa Bicol Region dahil sa epekto ng Tropical Storm Kristine, ayon sa Police Regional Office 5 (PRO5) nitong Miyerkules.

May kabuuang 382,302 indibidwal o 77,910 pamilya ang naapektuhan ng Kristine sa Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa mga apektadong populasyon, 12,334 katao o 3,095 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center habang 364 katao o 96 na pamilya ang nakasilong sa ibang lugar.

Sa kabilang banda, nangako si Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. na magbibigay ng mga asset, partikular na ang mga rubber boat, para sa rescue at response measures sa Bicol Region.

Sa isang ambush interview, tinanong ng mga mamamahayag ng palasyo ang Pangulo sa kahilingan ni dating Bise Presidente Leni Robredo hinggil sa deployment ng mga rubber boat sa rehiyon, partikular sa Naga City.

”Yeah, as soon as we can get in. As soon as makapasok kami, we will be doing that. At nagsisimula na kaming mag-marshal ng aming mga asset, tulad halimbawa, mga rubber boat. Hanggang Mindanao kukunin na muna namin at dadalhin namin dito sa area ng pangangailangan,” ani Marcos.

”Nakakuha lang kami ng report sa CamSur na kalahati ng probinsya ay nasa ilalim ng tubig dahil nakatira sila sa basin sa loob ng Albay at CamSur. Kaya’t iyon ang talagang tinamaan. Tinatamaan lagi ng baha,” dagdag pa niya. RNT