MANILA, Philippines – Ginagalang ng Malakanyang ang naging desisyon ng House Ethics Committee ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na suspendihin ng 60 araw si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ng dahil sa umano’y ‘unethical‘ behavior kasunod ng sunud-sunod na atake sa gobyerno at pagpo-post ng malalaswang larawan ng mga babaeng nakabikini sa Facebook.
“Desisyon po iyan ng House of Representatives so iyan po ay nalaman na po kung ano pong naging desisyon. So, iginagalang po ng Pangulo kung anuman ang desisyon ng House of Representatives,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malakanyang.
Tila nais kasing iparating ni Barzaga sa publiko na pinasuspinde siya ng administrasyong Marcos sa maraming kaalyado nito sa Kamara dahil sa pagiging kritikal niya sa Pangulo.
“So, in other words, sinasabit niya ang pangalan po ni Pangulo dahil sa kaniyang pagkakasuspinde?,” ang tanong ni Castro.
“Unang-una po, iyong mga lewd photos na kaniyang pinost, hindi naman po kasama ang Pangulo ha noong ito ay kaniyang ginawa. Hindi naman kasama ang Pangulo noong ito’y pinost at iyong mga sinasabi niyang mga diumanong disinformation laban sa AFP, hindi rin po yata kasama ang Pangulo sa kaniyang mga diumanong disinformation. So, sa ating nakikita rito, ginagamit lamang ang pangalan ni Pangulong Marcos Jr. para ma-justify ang kaniyang mga ginagawang disinformation,” ang litaniya ni Castro.
Sa ulat, sa botong 249-6-11, pinagtibay ang rekomendasyon suspindihin si Barzaga nang walang matatanggap na sahod.
Matapos ilabas ang rekomendasyon ay tumayo si Barzaga sa plenaryo at sinabing buong puso niyang tinatanggap ang desisyon ng komite sabay batikos kay Pangulong Marcos dahilan para patayan siya ng mikropono.
Ayon kay 4Ps Partylist Rep. Jonathan Clement (JC) Abalos, Chairman ng House Ethics, ang ikinilos ni Barzaga ay isang paglabag sa mabuting asal bilang miyembro ng Kamara.
“The complainants alleged that these social media posts in his verified Facebook pages contain language and imagery that employ derogatory and inflammatory rhetoric against government institutions, use vulgar and inappropriate language on befitting a public official,” saad ni Abalos.
Ikinatwiran ni Barzaga na ang kinukuwestiyong facebook post niya ay pinoprotektahan sa political speech at in good faith umano sa public discourse kaugnay ng malalang korapsyon sa flood control projects. (KRIS JOSE)