Home NATIONWIDE DFA kinalampag ni Rep. Tiangco sa pasaporte ni Zaldy Co

DFA kinalampag ni Rep. Tiangco sa pasaporte ni Zaldy Co

219
0

MANILA, Philippines – “Pag gusto may paraan, pag ayaw maraming dahilan.”

Kinalampag ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa tila kawalan ng aksyon sa kanselasyon ng pasaporte ni Zaldy Co.

“Ang tagal na nating panawagan sa DFA na kanselahin ang passport ni Zaldy Co. Napakarami nang basehan na nailatag, pero ang laging sagot ng DFA ay ‘yong iisa at paulit-ulit na dahilan kung bakit ayaw nilang kumilos.”

Giit pa ni Tiangco na dito mapapansin at makukumpirma na “Dito mo makikita na pag gusto, may paraan, pag ayaw, maraming dahilan.”

Ganito ang rekayon ni Tiangco matapos kumpirmahin na hanggang ngayon ay aktibo pa rin ang pasaporte ni Co dahil wala pa umanong natatanggap na court order.

“Mismong Pangulo na ang nagsabi na kakanselahin ang passport ni Zaldy Co once the cases are filed against him. Patong-patong na ang kaso laban sa kanya, pero ang DFA, tila natutulog sa pansitan at manhid sa galit ng taumbayan,” giit pa ni Tiangco.

Si Tiangco ay isa sa mga unang mambabatas na nag-ugnay kay Co sa flood control scam, at kaniyang binigyang diinna dapat madaliin ng DFA ang kanselasyon sa gitna ng mga balitang mayroon ng  Portuguese passport at golden visa si Co.

“Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, maaaring may hawak nang Portuguese passport itong si Zaldy Co. Kaya hindi natin maintindihan kung bakit ayaw pang kumilos ng DFA.”

Binigyang diin pa ni Tiangco na hindi na dapat pagtagalin ang pagpapauwi kay Co dahil mahalaga aniya ito sa isinasagawang imbestigasyon sa mga irigularidad sa proyekto ng flood control.

“Alam nating lahat kung gaano kahalaga si Zaldy Co sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects. Kaya nararapat lang na mapauwi natin siya agad para harapin ang hustisya,” ani Tiangco. (Meliza Maluntag)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here