Home TOP STORIES Mayor Isko, VM Atienza, iba pa kinasuhan ng katiwalian sa Ombudsman

Mayor Isko, VM Atienza, iba pa kinasuhan ng katiwalian sa Ombudsman

269
0

Kinasuhan sa Office of the Ombudsman sina Manila Mayor Isko Moreno, Manila Vice Mayor Chi Atienza, at 13 iba pa matapos magsumite ng graft at grave misconduct complaint si dating Liga ng mga Barangay–Manila president Leilani Lacuna nitong Martes ng umaga (December 2).

Ayon kay Lacuna—na kapatid ni dating Manila Mayor Honey Lacuna—ang kanilang hakbang ay kaugnay ng umano’y “illegal removal” sa kanya bilang pangulo ng Liga ng mga Barangay–Manila chapter, isang paratang na mariin niyang iginiit sa isang press conference.

Giit ni Lacuna, hindi umano siya dumaan sa due process at naabuso umano ang kapangyarihan ng ilang opisyal ng lungsod sa pag-alis sa kanya sa puwesto.

“Ako po ay nag-file ng kaso laban sa ilang opisyales ng Maynila dahil po sa iligal na pagpapatanggal sa akin. Ito po ay hindi dumaan sa due process,” pahayag ni Lacuna, na nagsabing siya pa rin ang lehitimong ex-officio member ng Manila City Council bilang elected Liga president.

Dagdag pa niya, hindi umano niya alam kung may pulitika sa likod ng mga pangyayari ngunit binanggit na siya na lamang ang natitirang miyembro ng pamilya Lacuna sa City Hall:

“Gusto ko ring tanungin kung bakit nila ako gustong tanggalin at bakit nila ginawa sa paraang sa tingin namin ay labag sa tamang proseso.”

Kabilang sa iba pang inireklamo ni Lacuna ay si Manila 5th District Councilor Jaybee Hizon, dating Manila Barangay Bureau OIC Joel Par, at 10 bagong halal na opisyal ng Liga ng mga Barangay–Manila.

Bukod sa reklamong graft, nagsampa rin si Lacuna ng criminal complaint for usurpation of official functions sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code laban sa ilang respondents.

Mayroon ding administrative complaint para sa grave misconduct at grave abuse of authority.

Giit pa ni Lacuna, ang halalan ng bagong mga opisyal ng Liga ng mga Barangay–Maynila ay “ilegal” umano dahil umano sa kawalan ng kinatawan mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), na dapat aniyang naroroon sa naturang proseso.

Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kampo nina Mayor Moreno, Vice Mayor Atienza, at iba pang respondents hinggil sa inihaing mga reklamo. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here