Home NATIONWIDE Pangmatagalang panganib dulot ng sunog sa Navotas landfill, ibinabala ng mga eksperto

Pangmatagalang panganib dulot ng sunog sa Navotas landfill, ibinabala ng mga eksperto

4
0
default

MANILA, Philippines – Nagbabala ang mga eksperto na maaaring manatili sa kapaligiran sa loob ng ilang dekada ang mapanganib na polusyon mula sa sunog sa landfill sa Navotas, na tumagal ng 30 araw bago tuluyang naapula matapos magsimula noong Abril 10.

Ayon kay Dr. Gerry Bagtasa, propesor sa University of the Philippines’ Institute of Environmental Science and Meteorology, malamang na nagsimula ang sunog dahil sa naipong methane mula sa nabubulok na basura. Aniya, madaling magliyab ang methane at mahirap apulahin kapag nakulong sa ilalim ng landfill.

Sinabi naman ni Dr. Gelo Apostol, environmental health specialist at program head sa Ateneo Center for Research and Innovation, na kabilang sa pinaka-mapanganib na inilabas ng sunog ang dioxins at furan, na maaaring manatili sa lupa at tubig sa loob ng maraming dekada o kahit siglo.

“Because they don’t easily break down, they stay in the environment for decades, sometimes even centuries,” ani Apostol.

Ayon kay Bagtasa, ang mga dioxin ay naiipon sa katawan at maaaring magdulot ng seryosong panganib sa kalusugan.

Nagbabala rin ang mga eksperto na ang usok mula sa landfill ay maaaring magdulot ng hika, iritasyon sa mata at lalamunan, at mga sakit sa puso sa maikling panahon. Sa matagal na exposure, maaari itong magdulot ng stroke, kanser, metabolic disorders, at iba pang malalang sakit.

May pangamba rin na ang mga kemikal mula sa landfill ay maaaring makarating sa dagat at makaapekto sa mga isda at iba pang yamang-dagat, bagama’t wala pang kumpirmadong ebidensya dahil wala pang isinagawang toxicological testing sa seafood sa lugar.

Nanawagan ang mga eksperto na palakasin ang gas at air quality monitoring, magsagawa ng masusing pagsusuri sa lupa, tubig, at seafood, at ilabas sa publiko ang resulta ng mga pagsusuri.

Idinagdag din nila na mahalagang magkaroon ng mas maayos na sistema sa pamamahala ng landfill upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here