Home OPINION PANGULO NG BANSA, HUMAHARAP SA IBA’T-IBANG PAGSUBOK

PANGULO NG BANSA, HUMAHARAP SA IBA’T-IBANG PAGSUBOK

LAHAT ng mga naging Pangulo ng bansa ay talagang humaharap sa iba’t-ibang pagsubok tulad ng mga natatanggap na pagbatikos at pangungutya, pero mayroon din naman mga papuri, paghanga at pagkilala sa mga wastong ginagawa.

May ilan kasi na kahit ano pang magagandang gawin ng isang lider ng bansa para sa kapakanan ng mamamayan, kabuhayan at ekonomiya, hindi pa rin natitinag sa pambabatikos at pilit na humahanap ng butas na maipupukol sa Pangulo.

Tulad na lamang ng ginagawa ng Pangulong Bongbong Marcos na paghahanap ng solusyon para mapababa ang presyo ng bigas na pangunahing pagkain ng mga Pilipino na hanggang sa kasalukuyan ay mataas pa rin ang halaga sa merkado.

Pero maganda at mabisa ang ginawa ng Pangulong BBM na buhayin ang Kadiwa ng Pangulo na sa kasalukuyan ay nagbebenta ng pinakamurang bigas sa halagang P39 kada kilo sa Metro Manila

Sa kabila nito, may mga ilan pa ring pinapaalala sa Pangulo ang kanya raw pangako na maibaba sa P20 kada kilo ang bigas na kung tutuusin ay pangarap at hindi pangako ang sinabi ng Pangulo.

Linawin din natin na hindi lang sa Metro Manila lang may KNP kundi maging sa malalayo at liblib na mga lugar sa buong bansa.

Isa lang ito sa mga ginagawang solusyon ni PBBM sa kabila ng iba pa niyang mabibigat na tungkulin lalo na ang pagharap sa problema nang pang-aagaw ng China sa ating teritoryong West Philippine Sea.

At dahil sa matatag na pagharap ni PBBM sa mga panloob at panlabas na problema ng bansa, napabilang siya sa 100 pinakamaimpluwensiyang tao sa taong 2024 ng bantog at prestihiyosong Time Magazine.

Kinilala kasi ang Pangulong Marcos sa kahanga-hanga niyang ginawang pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa na nalugmok nang husto sa panahon ng pandemyang dulot ng Covid-19 kaya napasama ang Pilipinas sa hanay ng iba pang bansa sa mundo na mabilis naka-recover.

Hinangaan din si PBBM sa matatag niyang paninindigan sa pag-angkin ng teritoryo sa WPS sa kabila ng mainit na tensiyon na dulot ng panggigipit ng mga barko ng China, hindi lang sa mga naghahatid ng supply sa Ayungin Shoal, kundi sa mga mangingisdang Pinoy.