SENATOR Christopher Lawrence “Bong” Go, kilalang tagapagtanggol ng mga migranteng manggagawa, muling nanawagan sa pamahalaan partikular sa Department of Migrant Worker (DMW) upang tiyakin ang 24/7 na availability upang matugunan ang pangangailangan ng overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya sa panahon ng anomang krisis o insidente.
Lubhang ikinalungkot ng senador ang nakaririmarim na pagkamatay ng Filipino household service worker na si Dafnie Nacalaban sa Kuwait na matapos ang dalawang buwang pagkawala ay nadiskubreng nakalibing sa bakuran ng pinagtatrabahuhan nito. Naaagnas na ito nang ito ay makita ng mga awtoridad matapos ipagbigay alam ng kapatid ng amo nito.
Para sa senador, ang mga ganitong nauulit na insidente ay nagbibigay-riin sa mga panganib na kinakaharap ng OFWs.
Napakalaki na umano ang sakripisyo ng mga nagtatrabaho sa ibayong dagat kaya dapat na palaging nakahanda at nakaantabay ang pamahalaan para sila ay kaagad na matulungan.
Nagpaabot ng pakikiramay ang senador sa pamilya Nacalaban.
Nakatakda na sana itong umuwi sa bansa nitong December 2024 ngunit bigla na lamang itong nawalan ng komunikasyon sa pamilya.
Pagkumpirma ng DMW, ibabalik sa bansa ang mga labi ni Nacalaban matapos ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad ng Kuwait.
Dumagdag si Nacalaban sa listahang kinaroroonan nina Joanna Demafelis at Jullebee Ranara noong 2023 na OFWs na napaslang sa Kuwait.
Matatandaan na sa galit ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa nangyari kay Demafelis na inilagay sa freezer ang katawan ay ipinag-utos nito ang pag-ban sa pagpapadala ng OFWs sa Kuwait. Nagkaroon ng pag-uusap sa pagitan ng dalawang pamahalaan na nagresulta sa mas matibay na proteksyon sa mga manggagawa doon.
Si Senator Go ay vice chairperson ng Senate committee on migrant workers. Isa sa mga may akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11641 na nagtatag ng DMW upang ayusin ang mga serbisyo para sa OFWs.
Isinusulong din niya ang pagkakaroon ng “OFW Ward” sa lahat ng mga ospital na nasa ilalim ng Department of Health sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2414.
Kung magiging batas ito, magkakaroon ng dedikadong ward sa OFWs at kanilang pamilya sa kanilang pangangailangang pangkalusugan.
Ayon pa kay Senator Go, “Hindi sapat ang mga salita lamang, kailangang tiyakin na ang bawat Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa ay ligtas at protektado.”
Sa kasalukuyan, may 175,000 na Filipino household service workers ang nasa Kuwait.