Home NATIONWIDE Panibagong P84B loan mula Japan, nakuha ng Pinas para sa Metro Manila...

Panibagong P84B loan mula Japan, nakuha ng Pinas para sa Metro Manila Subway Project

151
0

MANILA, Philippines – Nakuha ng Pilipinas nitong Biyernes ang panibagong 220 bilyong yen o humigit-kumulang ₱84 bilyong loan mula sa Japan para pondohan ang Metro Manila Subway Project.

Ito na ang ikaapat na tranche ng financing para sa proyekto mula noong 2018.

Nilagdaan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Transportation (DOTr), at Embassy of Japan sa Pilipinas ang kasunduan, na pinondohan ng Japan sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Ayon kay Japanese Ambassador Endo Kazuya, ang tulong ng Japan ay hindi lamang pinansyal kundi simbolo rin ng mas matibay na ugnayan at pagtutulungan ng dalawang bansa para sa economic development.

Sinabi naman ni DFA Secretary Tess Lazaro na malaking tulong ang subway project upang maibsan ang matinding traffic sa Metro Manila at mapalakas ang ekonomiya. Dadaan ang linya mula Valenzuela hanggang Bicutan at mag-uugnay sa mga business district tulad ng Ortigas at Bonifacio Global City, pati na rin sa mga transport hub tulad ng NAIA, PITX, North-South Commuter Railway, at MRT-3.

Ayon sa DOTr, target ang demonstration run ng subway sa unang quarter ng 2028 at full operations pagsapit ng 2031.

Samantala, may hiwalay ding loan agreement para sa Central Mindanao High Standard Highway Project na ipatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na nagkakahalaga ng 1.672 bilyong yen (humigit-kumulang ₱644 milyon).

Ang highway ay may habang 64.7 kilometro na magdudugtong sa ilang lugar sa Misamis Oriental at Bukidnon, at may 47 tulay kabilang ang 9 na malalaking tulay.

Kapag natapos, inaasahang mababawasan ang travel time mula Cagayan de Oro hanggang Malaybalay mula 6.5 oras tungo sa 3.5 oras, na magpapabilis sa biyahe ng tao at kalakalan sa rehiyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here