MANILA, Philippines- Posibleng magbukas ng panibagong paghahain ng Certificate of Candidacy ang Commission on Elections para sa Bangsamoro region.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. noong Pebrero 19 ang batas na nagpapaliban sa unang BARMM Parliamentary elections.
Sa halip na isabay sa National and Local Elections sa May 12 midterm elections ay gagawin na lamang ito sa Oktubre 13 .
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia titingnan nila kung kailangan pang magbukas muli ng COC filing sa Bangsamoro sakaling maipamahagi na ang pitong parliamentary district seats galing sa Sulu na ngayon ay hindi na bahagi ng BARMM.
Ayon kay Garcia, P2.5 milyon din ang kakailanganin ng komisyon para magsagawa ng parliamentary elections sa Bangsamoro.
Sa nagpapatuloy na pag-imprenta ng mga balota, hindi na kasama ang BARMM.
Ang pag-imprenta ng balota para sa BARMM ay sisimulan sa Hulyo at target matapos sa Agosto kung saan nasa 2.3 milyong balota ang kakailanganin para sa Parliamentary elections. Jocelyn Tabangcura-Domenden