COTABATO- Sugatan ang dalawang katao matapos tamaan ng shrapnel ng hinagis na granada na isa sa mga suspek na tumakbo habang nagsasagawa ng checkpoint ang mga awtoridad noong Biyernes sa national highway sa bayan ng Kabacan.
Nilapatan ng lunas sa ospital ang mga sugatan na sina Toto Abdul Sangcupan, 51, barangay tanod, ng Brgy. Kibayao, Carmen, Cotabato at Ahron Jay Mendigoria Tangonan, 18, binata ng Brgy. Osias, Kabacan, Cotabato.
Tugis naman ng pulisya ang mga suspek at nakilala ang isa sa mga ito na si Samrod Ulimpain Usman, dating preso ng Kabacan police station at nakalaya ito matapos mabasura ang kanyang kaso.
Batay sa report ng Kabacan Municipal Police Station, bandang alas-10:42 ng gabi naganap ang insidente sa Barangay Osias, ng naturang bayan.
Ayon sa pulisya, nagsasagawa sila ng Comelec checkpoint sa Barangay Kayaga, Kabacan, Cotabato at dumaan ang isang XRM motorcycle at sa halip na huminto at lumihis ang mga ito at sumibat nang mabilis.
Agad namang hinabol ng tropa ng Kabacan-PNP ang mga suspek at pagsapit sa nasabing lugar biglang hinagisan ng granada ng mga suspek ang mga humahabol na pulis.
Tinamaan sina Sangcupan at Tangonan sa katawan na agad namang dinala sa ospital habang nakatakas ang mga suspek. Mary Anne Sapico