LUCENA CITY- Nakapagtala sa Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas ng panibagong minor phreatic eruption at apat na pagyanig nitong Biyernes, Nobyembre 29, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
“A minor phreatic eruption from Taal Volcano Island’s Main Crater at 11:25 AM today (29 November 2024), which generated a 1,200-meter white plume, was captured by the IP camera of the Agoncillo Observation Station,” pahayag ng Phivolcs sa isang post sa Facebook page nito.
Tumagal ito ng anim na minuto, batay sa bulletin ng ahensya nitong Sabado ng umaga.
Noong Nobyembre 28, alas-5:46 ng umaga, nakapagtala rin sa bulkan ng minor steam-driven eruption ng nagbuga ng usok na umabot ng 1,500 metro ang taas.
Sa nakalipas na 24 oras, natukoy ng Phivolcs ang tatlong volcanic earthquakes na sinabayan ng tatlong volcanic tremors na tumagal ng dalawa hanggang anim na minuto.
Sa pinakabagong bulletin nitong Sabado, nakapagtala ang Phivolcs ng 6,307 metric tons ng sulfur dioxide mula sa main crater ng Taal na umakyat ng 1,200 metro bago kumilos sa direksyong southwest.
Wala namang volcanic smog, o “vog,” na naobserbahan sa pinakabagong monitoring period.
Nakasailalim pa rin ang Taal Volcano sa alert level 1 (low level of volcanic unrest), ayon sa Phivolcs. RNT/SA