MANILA, Philippines – Hindi lamang ang Duterte Bloc sa Kamara ang nagpahayag ng kaniyang pagtutol sa panibagong 60 araw na suspensyon na ipinataw kay Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga.
Nagpahayag din ng kanilang matinding pagtutol sa aksyong ito ng plenaryo alinsunod na rin sa rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges sina Sagip Partylist Rep. Henry Paolo Marcoleta, Caloocan Rep. Edgar Erice, Bagong Henerasyon Party-list Rep. Robert Nazal at Kamanggagawa Partylist Elijah San Fernando.
Binigyang diin ni Marcoleta na si Barzaga ay ibinoto ng kaniyan mga constituents kung kaya ang mga botante aniya ang dapat na mag-alis sa kaniya sa pwesto.
“Legislators derive their authority from the electorate, ang pinarurusahan po natin sa mga hakbanging ito ay hindi si Cong Barzaga, kung hindi ang mga taong nasasakupan ng kanyang pamumuno.”
“Patuloy na pinarurusahan ang kongresistang nag-meow meow, ngunit wala paring nakakasuhan na malalaking magnanakaw. Masyado naman po tayong naging sensitibo,” hirit ng nakababatang Marcoleta.
Sa panig naman ni Nazal ay binigyang diin nito na ang patuloy na pagsuspendi kay Barzaga dahil sa umano’y nakasisirang Facebook post nito ay hindi makabubuti at makapagbabangong puri sa Malaking Kapulungan ng Kongreso.
Sa unang suspensyon pa lamang ay bomoto na ng pagtutol sa unang 60 days suspension sina Marcoleta at Nazal, Erice at San Fernando.
“While I considered the conduct unbecoming of a Member of Congress, I did not believe then, nor do I believe now, that it met the threshold for suspension. Our discipline must be principled and proportionate, not reactionary,” sinabi ni Nazal.
Giit pa ng mambabatas na maaari naman aniyang i-reprimand si Barzaga nang hindi sinasansala ang kagustuhan ng mga botante nito.
“We have a duty to allow room for correction without unnecessarily depriving the people of the Fourth District of Cavite of their chosen representative. For these reasons, in the interest of consistency and institutional integrity, I oppose the motion to suspend Rep. Barzaga anew,” dagdag pa ni Nazal.
Sa botong 238, 10 ang tutol at 9 na abstentions ay muling pinatawan ng panibagong 60-day suspension si Barzaga.
Sa panig naman ni Sa Fernando ay iginiit niyang, “ang kalayaan sa pagsasalita at pagpapahayag ng damdamin ay nag-aapply kahit sa taong pinaka-ayaw natin. Kahit pa kaalitan, kaaway, o kinasusuklaman natin ang isang tao, hindi nito maaalis ang kanyang karapatang makapagsalita at ipahayag ang kanyang saloobin. Freedom of speech is not selective – hindi ito pumipili ng kulay o paniniwala sa pulitika. It is a constitutionally-guaranteed and protected right!” Meliza Maluntag