MANILA, Philippines — Makakakuha ng diskuwento ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na may Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) e-card sa mga partner establishments ng ahensya sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, malaking tulong ito hindi lamang sa mga OFW kundi pati na rin sa mga dating migranteng manggagawa na ngayon ay mga negosyante na.
“Masaya kami sa Dubai kasi karamihan ng aming partner ay mga Filipino-owned businesses. Marami sa kanila ay dating OFWs na ngayon ay entrepreneurs,” ani Caunan sa panayam ng GMA News.
Dagdag pa niya, bahagi ito ng mutual support sa pagitan ng OWWA at ng mga negosyanteng Pilipino na tinutulungan ang OWWA members habang sinusuportahan din ang mga negosyong pag-aari ng kapwa OFW.
Ang OWWA e-card ay patunay ng aktibong pagiging miyembro at nagbibigay ng mas mabilis na access sa mga benepisyo tulad ng repatriation, reintegration programs, training, at social benefits. Ang membership ay nagkakahalaga ng $25 at may bisa ng dalawang taon; sa UAE, ito ay nagkakahalaga ng AED 92.
Ayon kay Caunan, mula 54,000 e-card holders noong 2004 ay umabot na sa 355,000 ang bilang noong nakaraang taon. Sa kabuuan, may 2.6 milyong aktibong OWWA members sa buong mundo, kabilang ang 263,000 OFWs sa UAE.
Kamakailan, nagsagawa ng signing ceremony ang OWWA, Department of Migrant Workers (DMW), at Migrant Workers Office (MWO) sa Dubai kasama ang 20 establishments na magbibigay ng diskwento sa OWWA e-card holders.
“Initial batch pa lang ito—mula sa restaurants, logistics, airlines, hanggang health services. At patuloy pa naming dadagdagan ang mga partners,” ani Caunan.
Sa kasalukuyan, mahigit 200 partner companies na sa buong mundo ang nagbibigay ng diskwento sa mga OFW na may OWWA e-card. RNT/JGC