SAN AGUSTIN, Isabela- Tinukoy na ‘fake news’ o walang katotohanan ang naibalita sa isang radio station tungkol sa panloloob umano sa storage area ng Commision on Election o Comelec sa bayan ng San Agustin, Isabela.
Kung kaya’t nilinaw ni PCol. Lee Allen ‘LABB’ B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO na walang nagyaring panloloob sa storage area ng Comelec na mayroon umanong nasirang election boxes matapos umanong pasukin ng mga grupo ng kalalakihan.
Batay sa pagsisiyasat ng San Agustin Police Station, ang aktuwal na pangyayari ay ang pagkakatuklas ng punit na paper seal ng Consolidation Canvassing System (CCS) bandang alas-7:30 gabi ng Mayo 8, 2025, na naiulat bandang alas-9:50 gabi ng parehong araw.
Natuklasan ng isang pulis na nakatalaga na magbantay sa mga kagamitan o parapernalya sa eleksyon ngayong National and Local election 2025 ay napunit lamang ang paper seal ng nasabing box.
Kung kaya’t hindi makaaapekto sa paggamit sa Lunes, May 12, 2025 sa araw ng eleksyon ang napunit lamang na paper seal ng box.
Sa isinagawang paunang imbestigasyon, lumabas na may pumasok na caretaker sa gusali bago pa man ang insidente upang mag-install ng air conditioner at magsagawa ng paglilinis. Hindi umano nito namalayan na may sira na ang seal ng nasabing kahon.
Ayon sa Election Officer ng bayan, isa lamang sa mga susi ng storage area ang ipinagkaloob sa kanya ng General Services Officer, habang ang iba pang duplicate keys ay hawak pa ng contractor ng bagong municipal building. Walang palatandaan ng forced entry sa silid.
Taliwas sa naunang ulat ng isang radio station na may nasirang election boxes, malinaw sa imbestigasyon na walang nasira o naapektuhang election material.
Lahat ng kagamitang nakalaan para sa nalalapit na halalan ay ligtas at nasa maayos na kalagayan.
Bilang tugon, agad na nakipag-ugnayan ang San Agustin Police Station sa Election Officer ng bayan upang ipabatid ang insidente.
Nagsagawa rin ng imbestigasyon ang Investigating Officer-on-Case upang matukoy kung sino ang nagbukas ng silid at kung paano nasira ang paper seal.
Sa ngayon ay agad na nakipag-ugnayan din ang pulisya sa contractor ng gusali upang matukoy ang status ng mga duplicate keys.
Hinihikayat ng pulisya ng Isabela ang lahat ng miyembro ng media na maging patas, responsable, mapanuri sa paghahatid ng impormasyon at balita para maiwasan ang pangamba ng publiko.
Samantala, ang kapulisan ng Isabela ay patuloy na nakikipagtulungan sa Comelec at iba pang ahensya upang mapanatili ang integridad ng halalan sa lalawigan. Sama-sama na pangalagaan ang kapayapaan, kaayusan, at tiwala ng bawat mamamayan. Rey Velasco