Home NATIONWIDE Panukala na magpapalakas sa overseas voting pasado na sa ikalawang pagbasa

Panukala na magpapalakas sa overseas voting pasado na sa ikalawang pagbasa

MANILA, Philippines – Upang mas higit pang maisulong ang karapatan ng mga Pilipino na makaboto, inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang House Bill 10178, o “Overseas Electronic Registration and Voting Act.”

Layon ng panukala na amyendahan ang Republic Act 9189, o “Overseas Absentee Voting Act of 2003,” na naglalayong palawigin ang pagpili sa rehistrasyon at pagboto ng mga Pilipino sa ibayong dagat, at pahintulutan sila na makarehistro at mailipat ang kanilang rehistrasyon sa pamamagitan ng koreo, o sa pamamagitan ng electronic means.

Ang panukala ay inisponsoran ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms chairperson at Mountain Province Rep. Maximo Dalog Jr. sa deliberasyon sa plenaryo.

Ayon kay OFW Party-list Rep. Marissa Magsino, may-akda ng panukala, ang mungkahi ay magbibigay ng solidong batayan para sa kasalukuyan at hinaharap na mga hakbang sa internet voting ng Commission on Elections (COMELEC), kasama na ang paghahanap ng suportang budget para rito. Gail Mendoza