MANILA, Philippines – Aprubado na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10691 na nagpaparusa sa hindi awtorisadong pag-aabugado.
Ayon kay Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores, may-akda ng panukala, naaalarma siya sa iba’t ibang insidente ng bogus lawyers na naaaresto sa iba’t ibang krimen na karamihan ay mga scam.
Ilan sa mga pekeng abogado na ito ay humaharap pa bilang counsel sa mga korte.
“Laganap sa buong bansa ang mga nagpapanggap na abogado. Ang iba sa kanila napakalakas pa ng loob na humarap sa korte at nabibisto naman sila ng judge dahil sa kanilang kakaibang mga kilos, pananalita, at kakulangan sa kaalaman sa batas,” ani Flores.
Mayroong dalawang set ng prison terms na itinakda sa HB 10691.
“The heavier penalty of prision correccional is for fake lawyers who perform any act as a notary public. The penalty of prision mayor is for bogus attorneys who misrepresent themselves as lawyers in public and in court,” dagdag ng solon.
Itinatakda sa HB 10691 ang multang mula P100,000 hanggang P5 milyon para sa mga lalabag at penalty na perpetual at absolute disqualification sa pag-upo sa pampublikong opisina.
“Nananawagan tayo sa publiko na laging tiyaking totoong abogado ang humaharap sa inyo,” sinabi ni Flores.
Aniya, maaaring i-check ng publiko ang Roll of Attorneys sa website ng Korte Suprema. RNT/JGC