Home HOME BANNER STORY Marikina, Mandaluyong lampas na sa dengue alert threshold

Marikina, Mandaluyong lampas na sa dengue alert threshold

MANILA, Philippines – Nalampasan na ng Marikina at Mandaluyong ang dengue alert threshold, saad sa datos ng Health Department mula sa Metro Manila Center for Health Development.

Nakapagtala ang Marikina ng mahigit 400 kaso ng dengue ngayong taon o mula Enero hanggang Agosto, mas mataas ng halos 60%, kumpara sa 272 na naitala sa kaparehong panahon noong 2023.

Nakapagtala rin ang Mandaluyong ng mahigit 200 kaso sa kaparehong panahon.

Ipinaliwanag ni Department of Health (DOH) Spokesperson Albert Domingo na ang paglampas sa alert threshold ay babala para sa mga lokal na pamahalaan upang hikayatin ang mga ito na aksyunan na ito ng maaga at maiwasan ang patuloy pang pagtaas sa mga kaso na maaaring mag-trigger sa outbreak o epidemic.

Sa mga nakalipas na linggo, nakapagtala ng tuloy-tuloy na pagtaas sa cumulative cases ng dengue na umabot na sa 150,000 mark at 396 na nasawi.

Sa kabila nito, sinabi ni Domingo na hindi nakikita ng DOH ang pangangailangan para sa nationwide dengue outbreak.

“Para masabi mo na may isang outbreak sa isang area, dapat ‘yung buong area ay merong nakikita ngang change in the data. Sa nakita natin na datos sa ating mga rehiyon, meron pa rin mga rehiyon na hindi naman tumaas yung numbers. So, mas maganda. And of course, mas maganda rin na ang declaration ay localized kung kailangan dahil ang aksyon ay manggagaling sa ating local governments,” ani Domingo. RNT/JGC