Home NATIONWIDE Panukalang 911-style emergency medical system aprubado na sa komite

Panukalang 911-style emergency medical system aprubado na sa komite

41
0

MANILA, Philippines – Tiwala si House Speaker Faustino “Bojie” Dy na malaking tulong ng 911-style emergency medical system sa mga Pilipino.

“Marami nang Pilipino ang pamilyar sa 911. Pero ang mas mahalagang tanong ay: kapag may tumawag sa 911, may maaasahan ba siyang mabilis, maayos, at de-kalidad na pagtugon? Iyan ang nais tiyakin ng panukalang ito. Hindi lamang hotline ang binubuo natin kundi isang integrated emergency medical services system na makapagliligtas ng maraming buhay.”

Reaksyon ito ng speaker matapos aprubahan sa komite ang panukalang Integrated Emergency Medical Services System (EMSS), na nangangahulugan ng mas malawak na koordinasyon at pantay-pantay na pagpapatupad sa pagtugon sa mga emergency emergency response sa buong bansa.

Ito ay matapos aprubahan ng House Committee on Health ang amendments at konsolidasyon ng may siyam na panukalang batas na nagpapatatag sa EMSS.

“Kapag may aksidente, biglaang atake sa puso, stroke, o anumang medical emergency, bawat minuto ay mahalaga. Ang buhay ng isang tao ay hindi dapat nakasalalay sa lokasyon ng kanyang tirahan o kung gaano kabilis makakontak ng ambulansya. Mahalagang magkaroon tayo ng isang maayos, integrated, at standardized emergency medical services system sa buong bansa,” sinabi ni Dy.

Binigyang diin pa ni Dy na sa panukalang ito ay lalawak ang pagbibigay tulong at inisyatibo gayundin ang kapabilidad at pagtugon sa sandali ng emergency at matiyak na ang mga Pilipino ay makatanggap ng tama at napapanahong tulong medikal saan man sila nakatira.

Ayon kay Committee Chair at Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr. Na 10 taon na ang nakararaan mula ng likhain ang national emergency hotline ay hindi pa rin mapantayan o makasunod ang Pilipinas sa ipinatutupad na standard emergency medical services system.

“The proposal seeks to ensure that emergency calls are backed by an organized system capable of dispatching trained responders, providing emergency transport, coordinating referrals, and delivering timely care.”

Suportado naman ng Department of Health ang naturang panukala kung saan sinabi ni Health Undersecretary at spokesperson Dr. Albert Francis Domingo na “naniniwala po ang DOH na mahalagang mapalakas ang pre-hospital emergency care, emergency transport dispatch systems at inter-facility referral systems upang mapabuti ang patient outcomes, mabawasan at maiwasan ang kamatayan at matiyak ang agarang access sa life-saving interventions lalo na doon sa ating unserved and underserved areas.”

Dito ay muling iginiit ni Dy na “sa oras ng sakuna o medical emergency, kailangan natin ng malinaw na mga hakbang, iisang pamantayan, mabilis na koordinasyon, at agarang pagtugon upang mapanatag ang kalooban ng ating mga kababayan at mas maraming buhay ang mailigtas. Ito ang layunin ng panukalang batas na ito.” Meliza Maluntag

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here