MANILA, Philippines – Isang mangingisda ang nagsuko sa pulisya ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P5.8 milyon matapos itong mapulot sa baybayin ng Patnanungan, Quezon.
Kinilala lamang sa alyas na “Den,” 39-anyos, ang mangingisdang nakakita ng tape-sealed na pakete sa Sitio Katmon, Barangay Busdak habang nangingisda ng alimango noong Lunes.
Ayon sa ulat, nakabaon sa buhangin at natatakpan ng damong-dagat ang plastic bag na kanyang napansin. Kalaunan ay isinuko niya ito sa pulisya dakong alas-8 ng gabi.
Tinatayang may bigat na 1,107.8 gramo ang puting mala-kristal na laman ng pakete na pinaniniwalaang cocaine at may standard drug value na P5.87 milyon.
Isinailalim na ito sa laboratory examination upang matiyak ang uri ng iligal na droga.
Ito na ang ikatlong beses ngayong taon na may hinihinalang cocaine na natagpuan sa Barangay Busdak.
Noong Abril, tatlong pakete ng cocaine na nagkakahalaga ng P16.7 milyon ang nasamsam, habang limang pakete naman na aabot sa P34.5 milyon ang naisuko noong Mayo.
Ayon sa Quezon police, posibleng mula sa ibang bansa ang mga kontrabandong droga at inanod lamang sa baybayin dahil sa malalakas na alon. RNT/JGC