MAHIGPIT na binabantayan ng industriya ng information technology at business process management (IT-BPM) ng Pilipinas ang isang bagong panukalang batas sa Senado ng United States na maaaring magdulot ng malaking epekto sa mga operasyon ng call center sa bansa.
Ang panukalang “Keep Call Centers in America Act of 2025” na inihain nina Senador Ruben Gallego (Democrat, Arizona) at Jim Justice (Republican, West Virginia), ay naglalayong pigilan ang pag-o-offshore ng mga trabaho sa call center.
Sa ilalim ng panukala, obligadong ipaalam ng mga kompanyang Amerikano sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang planong paglilipat ng operasyon sa ibang bansa, hindi bababa sa 120 araw bago ito isakatuparan. Ang mga kompanyang magpapalipat ng trabaho sa ibang bansa ay ilalagay sa isang pampublikong talaan sa loob ng hanggang limang taon, at mawawalan ng karapatan na makatanggap ng bagong federal loans, grants, o kontrata.
Ayon kay Senador Gallego, layunin ng panukala na baliktarin ang tuloy-tuloy na pagbagsak ng mga call center jobs sa US. Batay sa datos mula sa Bureau of Labor Statistics, tinatayang aabot sa 150,000 manggagawang Amerikano sa call center ang mawawala pagsapit ng 2033 kung magpapatuloy ang offshoring. Kabilang din sa panukala ang obligadong pagsisiwalat sa customer service, kung saan kailangang ipaalam sa mga konsumer sa US kung ang tawag ay hinahawakan ng call center na nasa ibang bansa o ng artificial intelligence.
Para sa Pilipinas, na kinikilalang isa sa mga nangungunang destinasyon ng outsourced call center operations sa buong mundo, malawak ang maaaring maging epekto ng naturang panukala. Ayon sa Ateneo Policy Center, mahigit 200 kompanyang nakabase sa US ang nag-invest ng kabuuang US$ 7.8 billion sa mga operasyon sa Pilipinas mula 2003. Nanatiling pangunahing merkado ng industriya ang North America na may 70 porsyentong bahagi.
Ayon sa IT and Business Process Association of the Philippines (IBPAP), patuloy pa rin nitong inaaral ang magiging epekto ng naturang panukala. Bagama’t kinikilala ng grupo na may banta ang mga patakarang proteksyunista ng US, binigyang-diin nila na hindi magiging madali para sa mga kompanyang matagal nang naka-establisa sa Pilipinas na basta na lamang ibalik ang kanilang operasyon sa US.
Sa kabila ng pandaigdigang hamon, tinatayang aabot sa US$ 40 billion ang kikitain ng lokal na IT-BPM industry ngayong taon, mas mataas ng limang porsyento kumpara noong 2024, at inaasahang lalaki ang workforce nito sa 1.9 million na empleyado.
Pero nagbabala ang mga ekonomista na dumating ang panukalang batas sa isang mahirap na panahon, kung kailan bumabagal ang paglago ng service exports ng bansa.
Ayon isa isang ekonomista, lumiit ng 4.2 porsyento ang sektor ng serbisyo sa ikalawang kwarter ng 2025, ang unang pagbagsak mula nang COVID-19 pandemic.
Sa ngayon, hindi pa tiyak kung makakukuha ng sapat na suporta sa lehislatura ng US ang “Keep Call Centers in America Act,” ngunit ipinapakita ng pagiging bipartisan nito ang mas malawak na proteksyunistang polisiya ng Trump administration.
Para sa Pilipinas na matagal nang umaasa sa outsourcing, ang hakbanging ito ay maaaring magdulot ng malaking pagbabago sa isa sa pinakamahalagang industriya ng ekonomiya.






