Home NATIONWIDE Panukalang ‘contempt powers’ sa ICI, ‘di kailangan – Malakanyang

Panukalang ‘contempt powers’ sa ICI, ‘di kailangan – Malakanyang

204
0

MANILA, Philippines – Para sa Malakanyang, hindi na kailangan ang panukalang pagkalooban ng contempt powers ang Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ang katuwiran ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang: ang ICI ay binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang isang fact-finding body na ang tungkulin ay imbestigahan ang multi-bilyong pisong maanomalyang flood control projects.

Sa kabilang dako, winelcome naman ng Malakanyang ang hakbang para palakasin ang kakayahan ng komisyon na ipatupad ang direktiba nito.

“Ang sabi po ng Pangulo, ito’y fact-finding commission. So, hindi po kinakailangan talaga na magkaroon ng power na mag-punish doon sa mga taong hindi dadalo,” ani Castro.

“Pero kung iyon po ay ibibigay sa independent commission ng mga mambabatas, maganda po iyang suhestiyon at iyan po ay welcome na welcome po sa Pangulo,” dagdag pa niya.

Ang ICI ay binubuo ni retired Supreme Court Justice Andres Reyes Jr. bilang chairperson, at nina dating Public Works Secretary Rogelio “Babes” Singson at SGV & Co. executive Rossana Fajardo bilang mga miyembro ng komisyon. Kasama rin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na itinalaga bilang special adviser.

Sa kabilang dako, welcome din sa Malakanyang ang plano ni Senate President Vicente Sotto III na hilingin kay Pangulong Marcos na sertipikahan bilang urgent ang panukalang batas na naghahangad na i-institutionalize ang ICI.

“Malamang nakita rin po ng mga mambabatas kung anong kahalagahan ng ginawa ng Pangulo na mag-create po ng independent commission,” ayon kay Castro.

“Welcome po ang lahat ng maaaring maitulong para mas maging malakas pa po ang kapangyarihan ng independent commission na ito, dahil iisa lamang din po ang adhikain nito, iisa ang layunin nito – mapanagot ang dapat na mapanagot,” dagdag pa niya.

Samantala, sa isang panayam, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na may ₱21 milyon ang huhugutin mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund na gagamitin para sa Personal Services ng ICI.

Aniya pa, ang budget ng komisyon para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) at Capital Outlay (CO) ay manggagaling naman mula sa contingency fund.

Gayunman, sinabi ni Pangandaman na hindi pa nadedetermina ang eksaktong funding requirements para sa MOOE at CO. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here